|
||||||||
|
||
MGA MAGULANG NI MAARY JANE VELOSO, DUMULOG SA SIMBAHAN. Dumalaw sa tanggapan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sina Cesar at Celia Veloso at humiling na tulungan silang mailigtas ang kanilang supling na nahaharap sa firing squad sa Indonesia. Umaasa ang mag-asawang mababatid ng mga autoridad sa Indonesia ang katotohanan sa pagdadala ng bawal na droga sa Indonesia. (Roy C. Lagarde/CBCPNews)
DUMATING sa Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mag-asawang Cesar at Celia Veloso, ang mga magulang ni Mary Jane Veloso na nahaharap sa parusang kamatayan dahilan sa drug trafficking sa Indonesia.
Dumulog sila sa CBCP sa pag-asang matulungan silang mapigil ang pagharap sa firing squad ng kanilang anak. Sa kanilang pagharap sa mga pinuno ng iba't ibang komisyon, sinabi ng mag-asawang umaasa silang mababatid ng mga autoridad sa Indonesia ang katotohanan sa sinasabing krimeng nagawa ng kanilang anak na mayroong dalawang supling.
Hirap umano sila sa simula pa lamang sapagkat wala silang natanggap na anumang mga dokumento hinggil sa usapin. Binanggit ni Gng. Veloso na mula ng madakip ang kanilang anak noong 2010 ay binalaan na silang sasaktan at papatayin sapagkat ang nasa likod ng pagdadala ng droga ay isang international drug syndicate. Sa pangambang may masamang mangyayari sa kanila, nanahimik na lamang sila hanggang sa noong lumabas sa media ang nakaambang pagharap ng kanilang anak sa firing squad.
Sinabi ni G. Veloso na isa siyang dating manggagawa sa Hacienda Luisita mula sa edad na 15 at nagpunyaging mai-angat ang kanilang kalagayan sa buhay. Inilahad niya na hindi biro ang magtrabaho sa hacienda sapagkat sa murang edad pa lamang ay nasa pagkakarga na siya ng tubo sa mga truck na nagdadala nito sa azucarera o gilingan.
Sa pagiging mahirap, nagtangka na rin si Mary Jane na maka-alpas sa walang katiyakang buhay. Ayon sa kanyang ina, palaging salutatorian sa paaralan si Mary Jane. Nagtrabaho sa ibang bansa subalit matapos ang tatlong buwan ay pinauwi na lamang nila sapagkat pinagtangkaang halayin ng kanyang amo at kasama sa trabaho sa Gitnang Silangan.
Nagka-asawa rin si Mary Jane subalit isang mahirap din ang naging kabiyak kaya't walang anumang kaunlarang naganap sa kanila.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Office on Public Affairs, ipararating niya sa CBCP Secretariat ang isyu matapos mapakinggan ang kalagayan ng pamilya Veloso.
Sinabi ni Gng. Fenny Tatad, executive secretary ng CBCP Office on Women na nakikipagtalastasan na rin sila sa kanilang mga kaibigan sa Indonesia upang mabatid ang tunay na larawan.
Sa panig ni Fr. Restie Ogsimer ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, sinabi niyang unang pagkakataon lamang ito na may lumapit sa simbahang naakusahan ng paglabag sa batas hinggil sa illegal drugs.
Mahalagang mabatid ang buong larawan upang makagawa ng angkop na aksyon.
Sa pinakahuling ulat, nabalitang walang anumang magaganap na pagpapatawa ng parusang kamatayan mula ngayon hanggang sa susunod na Biyernes, ika-24 ng Abril.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |