Sa Kunming, Lalawigang Yunnan ng Tsina—Idinaos dito kahapon ang ika-7 Great Mekong Subregion (GMS) Economic Corridors Forum. Ang tema ng naturang porum ay "pragmatikong kooperasyong tungo sa hinaharap." Dumalo sa porum ang mga opisyal mula sa 6 na bansa sa loob ng rehiyon ng ilog Lancang-Mekong, na kinabibilangan ng Tsina, Myanmar, Laos, Thailand, Kambodya, at Biyetnam. Pinag-ukulan ng iba't ibang kalahok ang isyu ng pagpapasulong ng pragmatikong kooperasyon.
Tinalakay sa porum ang mga paksang gaya ng pagpapasulong at pagpapatupad ng "Plano sa Estratehikong Aksyon ng Economic Corridors," pagtatakda ng plano sa pilot project ng mga konkretong proyekto ng economic corridors, pagtatatag ng plataporma ng kooperasyon sa transnasyonal na e-commerce, pagpapasulong ng kooperasyon sa pasilitasyon ng transportasyon at kalakalan, pagpapasulong ng pag-unlad ng sona ng kooperasyong pangkabuhayan ng GMS at iba pa. Narating din sa porum ang malawakang komong palagay.
Sa kanyang talumpati, tinukoy ni Gao Hucheng, Ministro ng Komersyo ng Tsina, na sa kasalukuyan, mabilis na umuunlad ang integrasyon ng kabuhayan, at isinasagawa ang pag-a-upgrade sa China-ASEAN Free Trade Area (CAFTA). Kasabay nito, sa epekto ng pandaigdig na krisis na pinansyal at pangkabuhayan, lumitaw ang mga problemang gaya ng pagbabagu-bagong presyo ng enerhiya. Kaya kailangan aniyang patuloy na palakasin ang kooperasyon sa mga bansa sa GMS.
Ayon sa estadistika, hanggang noong katapusan ng taong 2013, isinagawa ng iba't ibang kasaping bansa ng GMS ang 260 proyektong pangkooperasyon, at inilaan ang halos 16.94 bilyong dolyares na pondo.
Salin: Vera