Nilagdaan kahapon ng Chongqing, munisipalidad na nasa ilalim ng tuwirang pamamahala ng Pamahalaang Sentral ng Tsina, at Singapore, pinakamalaking pinanggagalingan ng puhunang dayuhan ng naturang munisipalidad, ang limang kasunduang pangkooperasyon hinggil sa airport economic zone.
Ang naturang limang kasunduan ay kinabibilangan ng mga proyekto ng air catering, pamamalakad at pangangasiwa sa serbisyong panlupa sa paliparan, air logistics, at bonded logistics.
Ipinahayag ni Kenneth TEO, Regional Director for West China ng International Enterprise (IE) Singapore, na ang paglagda sa mga nasabing kasunduan ay nagpapakitang batid ng mga bahay-kalakal ng Singapore ang pagkakataon at katayuang estratehiko ng Chongqing sa larangan ng airport industry at air logistics. Kaya, aktibo silang nakikisangkot dito.
Salin: Vera