Sa pahayag na ipinalabas kahapon, kinumpirma ng Doctors Without Borders o MSF (Medecins Sans Frontieres) na 22 katao na kinabibilangan ng 12 manggagawa at 10 may-sakit ang nasawi sa air strike na umatake kamakalawa sa isang ospital ng naturang organisasyon sa Kunduz, lunsod sa hilagang bahagi ng Afghanistan.
Ayon sa pahayag, sa naturang air strike, paulit-ulit na binomba ang main building ng ospital, kung saan binibigyang-lunas at inaalagaan ng mga tauhang medikal ang mga may-sakit, samantala halos walang pagkasira sa mga iba pang bahagi ng ospital. Tinawag ng MSF ang naturang pangyayari na "krimen ng digmaan," at hinihiling nito ang isang lubusan at malinaw na imbestigasyon na isasagawa ng ikatlong panig. Binigyang-diin din ng MSF na bago maganap ang naturang air strike, walang naiulat na sagupaan ang naganap sa loob ng ospital na ito.
Samantala, aminado ang tropa ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa Afghanistan na ang nabanggit na air strike ay inilunsad ng tropang Amerikano, at "posible itong nagdulot ng pagkasira sa institusyong medikal na malapit sa mga nakatakdang target ng air strike." Kapwa sinang-ayunan naman ng NATO at pamahalaan ng Afghanistan ang pagsasagawa ng magkasanib at lubusang imbestigasyon sa insidenteng ito.
Salin: Liu Kai