Ipinatalastas ngayong araw ni Zhang Zhijun, Puno ng Taiwan Work Office ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Taiwan Affairs Office ng Pamahalaang Sentral, na nakatakdang mag-usap sa Singapore sa darating na Sabado ang mga lider ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait na sina Xi Jinping at Ma Ying-Jeou para magpalitan ng kuru-kuro tungkol sa pagpapasulong ng mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang.
Ito ang kauna-unahang direktang pag-uusap sa pagitan ng mga lider ng magkabilang pampang. Sinabi ni Zhang na mahalaga ang katuturan ng pag-uusap na ito para palalimin ang pagtitiwalaan, patatagin ang nagkakaisang pundasyong pulitikal, pasulungin ang mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang at pangalagaan ang kapayapaan at katatag ng rehiyong ito.
Aniya pa, ang nasabing pag-uusap ay nagsisilbing "milestone" sa kasaysayan ng relasyon ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait.
Binigyang-diin ni Zhang na sa pamamagitan ng pagsasanggunian ng magkabilang pampang, ang nasabing pag-uusap ay idaraos sa ngalan ng mga lider ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait at "Sir" ang gagamitin nina Xi Jinping at Ma Ying-Jeou bilang pagtawag sa isa't isa.
Sinabi pa niyang dahil hindi pa nalulutas ang hidwaang pulitikal ng magkabilang pampang, ang naturang porma ay isinasagawa batay sa prinsipyong isang Tsina. Dagdag pa niya, ito rin ay nagpapakita ng diwa ng paggagalangan sa isa't isa at pagsasaisantabi ng mga hidwaan.