Sa Jakarta — Magkasamang itinaguyod kahapon ng grupong diplomatiko ng Tsina sa ASEAN at Sekretaryat ng ASEAN ang isang simposyum na pinamagatang "Komunidad ng ASEAN at Relasyong Sino-ASEAN." Malalimang tinalakay ng mga kalahok na dalubhasa at iskolar ang hinggil sa mga temang gaya ng relasyong Sino-ASEAN, komunidad ng ASEAN, at Maritime Silk Road sa ika-21 siglo. Dumalo at bumigkas ng talumpati sa simposyum sina Xu Bu, Embahador ng Tsina sa ASEAN, at Dr. AKP Mochtan, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Xu na umaasang maitatatag ng nasabing simposyum ang isang plataporma ng diyalogo para sa mga dalubhasa at iskolar mula sa Tsina at mga bansang ASEAN. Sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga ideya at opinyon, ihaharap nila ang mga mungkahi para sa pagpapaunlad ng relasyong Sino-ASEAN, aniya.
Salin: Li Feng