Ipininid kahapon, Lunes, Disyembre 21, 2015 sa Beijing ang sentral na pulong hinggil sa gawaing pangkabuhayan ng Tsina.
Sa pulong, nilagom ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang gawaing pangkabuhayan sa taong ito, inanalisa ang kasalukuyang kalagayan ng kabuhayan sa loob at labas ng bansa, at iniharap ang pangkalahatang plano hinggil sa gawaing pangkabuhayan sa susunod na taon. Inilahad naman ni Premyer Li Keqiang ang tunguhin ng mga patakaran ng makro-ekonomiya sa susunod na taon, at itinakda ang mga priyoridad ng gawaing pangkabuhayan.
Ayon sa mga lider Tsino, sa kasalukuyan, masalimuot pa rin ang kalagayang pangkabuhayan ng daigdig, at mabigat ang tungkulin ng reporma at pag-unlad ng Tsina. Anila, para pasulungin ang matatag na paglaki ng kabuhayan, dapat bigyang-patnubay ang pag-unlad ng "new normal" ng kabuhayang Tsino, isagawa ang repormang pang-estruktura sa aspekto ng pagsuplay, pasulungin ang green economy, at mas patingkarin ang papel ng pamilihan.
Sinabi ng mga lider Tsino na sa susunod na taon, dapat maging matatag ang mga macro-policy, wastung-wasto ang mga patakarang pang-industriya, pleksible ang mga micro-policy, pragmatiko ang mga patakarang pang-reporma, at makakabuti sa pamumuhay ng mga mamamayan ang mga patakarang panlipunan. Iniharap din nila ang limang pangunahing tungkulin ng gawaing pangkabuhayan sa susunod na taon; kabilang dito ang pagbabawas ng labis na kapasidad na pamproduksyon, pagpapaliit ng nakatinggal na mga paninda, pagbabawas ng pangungutang na inilalagay sa negosyo, pagpapababa ng halaga ng produksyon at pamumuhay, at pagpapalakas ng mga kahinaan sa kabuhayan.
Tinukoy din ng mga lider Tsino, dapat buong husay na ipagpatuloy ang pagbubukas sa labas. Lalung-lalo na anila, dapat pabutihin ang kapaligiran para sa puhunang dayuhan, palakasin ang pandaigdig na kooperasyon sa production capacity, at pabilisin ang talastasan hinggil sa mga malayang sonang pangkalakalan at kasunduan sa pamumuhunan. Dagdag ng mga lider, ang Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road Initiative, Asian Infrastructure Investment Bank, at Silk Road Fund ay mga pangunahing aspekto ng gawaing pangkabuhayan sa labas, sa susunod na taon.
Salin: Liu Kai