Lumahok kahapon, March 5, 2016, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa talakayan ng delegasyon ng Shanghai sa Ika-4na Sesyon ng Pambansang Kongresyong Bayan ng Tsina (NPC), hinggil sa government work report ng Pamahalaang Tsino.
Ipinahayag ng mga kinatawan ng delegasyon ng Shanghai ang mga mungkahi hinggil sa mga isyung gaya ng reporma sa estrukturang pangkabuhayan at sistemang pangkalusugan, edukasyong bokasyonal, kredibilidad na panlipunan, pag-aasikaso sa mga matatanda, industriya ng kultura, at inobasyon sa teknolohiya.
Ipinahayag ni Pangulong Xi na dapat patuloy na pahigpitin ng Shanghai ang sistematiko at komprehensibong reporma sa nasabing mga larangan, at pasulungin ang inobasyon sa siyensiya at teknolohiya.
Kaugnay ng pagpapalagayan at kooperasyon ng Shanghai at Taiwan sa kabuhayan at mamamayan, sinabi ni Xi na malinaw at matatag ang paninindigan ng Mainland China sa Taiwan at hindi ito magbabago dahil sa katatapos na halalan sa Taiwan.
Aniya pa, nakahanda ang Mainland China na pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng Taiwan Strait, at pasulungin ang pagkakaibigan, pagpapalagayan at pagtutulungan ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait, para makinabang dito ang mga mamamayan ng dalawang panig.
Bukod dito, inulit ni Xi na mariing tinututulan ng Tsina ang anumang aksyon para mapasulong ang pagsasarili ng Taiwan. Ito aniya ay para pangalagaan kabuuan ng pambansang soberanya at teritoryo ng Tsina. Ito ay komong hangarin at matatag na kalooban ng buong Nasyong Tsino, dagdag pa ni Xi.