KINILALA ni Pangulong Duterte ang tatlong bagong opisyal ng pamahalaan na maglilingkod mula ngayon. Unang hinirang si Atty. Rodolfo Salalima bilang Secretary of Information and Communication Technology (DICT). Pangalawa si Angelito Banayo bilang resident representative ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taipei at dating Congresswoman Liza Maza bilang pinuno ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Naglingkod si Atty. Salalima sa Globe Telecom, Inc. at naging chief legal counsel at senior vice president for corporation and regulatory affairs hanggang sa kanyang pagbibitiw noong 2008. Nagtapos sa San Beda College at magna cum laude sa A.B. Philosophy at cum laude sa Bachelor of Laws. May 40 taong karanasan sa Bayan Telecommunications (BayanTel) at Radio Communications of the Philippines, Inc. (RCPI). Naging kinatawan ng pilipinas sa International Telecommunication Union council working group na bumuo ng ITU constitution at convention sa Geneva, Switzerland.
Naglingkod na si G. Banayo sa pamahalaan bilang postmaster general, administrador ng Philippine Tourism Authority at National Food Authority. Nanirahan sa Butuan City noong dekada Sisenta at nag-aral ng Economics sa Colegio de San Juan de Letran, Manila at nag-aral din sa Ateneo Graduate School of Business at UP College of Business Administration.
Si Bb. Maza ay dating Party List Representative ng Gabriela sa House of Representatives at naging tagapagtaguyod ng mahihirap at nalilimutan ng pamahalaan. May naiakdang 53 bill, 120 resolusyon sa 13th Congress at 14th Congress. Nakiisa siya sa mahihirap mula noong panahon niya sa University of the Philippines.