Mula ika-18 hanggang ika-28 ng Setyembre, 2016, pupunta si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa New York, punong himpilan ng United Nations (UN) para dumalo sa serye ng mataas na pulong ng Ika-71 Pangkalahatang Asemblea ng UN. Bukod dito, isasagawa ng premyer Tsino ang opisyal na pagdalaw sa Canada at Cuba. Sa panahon ng kanyang pagdalo sa serye ng pulong ng UN, pangunguluhan ni Premyer Li ang talakayan tungkol sa pagsasakatuparan ng agenda ng sustenableng pag-unlad sa taong 2030 na idaraos sa pagtataguyod ng panig Tsino. Sa okasyong ito, ilalahad ni Li ang mga natamong tagumpay at ideya ng Tsina sa pag-unlad, at ihaharap ang mga bagong hakbangin para mapasulong ang usapin ng pag-unlad ng buong mundo.
Bukod sa pangungulo sa naturang talakayan, lalahok at bibigkas ng talumpati si Premyer Li sa pangkalahatang debatehan, at dadalo sa dalawang summit hinggil sa isyu ng mga refugees sa daigdig. Makaka-usap din ng Premyer Tsino ang mga lider ng mga may-kinalamang bansa para magpalitan ng kuru-kuro hinggil sa pagpapalakas ng bilateral na relasyon, pagpapalalim ng kooperasyon sa mga suliraning pandaigdig, at iba pang isyu.
Salin: Li Feng