Nag-usap Nobyembre 14, 2016, sa Tehran, Iran sina Chang Wanquan, Ministrong Pandepensa ng Tsina at kanyang Iranian counterpart na si Hossein Dehghan.
Ipinahayag ni Chang na dumalaw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Iran, noong Enero, 2016. Positibo aniya ang mga lider ng Tsina at Iran sa pagtatatag ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Sinabi ni Chang na bilang mahalagang magkatuwang pangkooperasyon, ang pagpapasulong ng mapagkaibigang pagtutulungan ng Tsina at Iran ay hindi lamang angkop sa pundamental na interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi makakatulong din sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at daigdig. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Iran para matupad ang komong palagay na narating ng mga liderato ng dalawang bansa, para sa pagpapasulong ng pagtutulungan ng dalawang bansa at hukbo, sa mas mataas na antas.
Ipinahayag naman ni Hossein Dehghan na may pangmatagalang mapagkaibigang pagpapalitan sa kasaysayan, sa pagitan ng mga mamamayang Tsino at Iranian. Umaasa aniya ang Iran na makikisangkot sa pagtatatag ng "Belt and Road Initiative" na itinataguyod ng Tsina. Aniya, nakahanda ang kanyang bansa na magsikap, kasama ng Tsina para pahigpitin ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang hukbo, alinsunod sa direksyong magkasamang binalangkas ng mga liderato ng dalawang bansa. Ito aniya'y makakatulong sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagang panrehiyon at pandaigdig.