NALUNGKOT si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa ginawang palihim na pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos. Isang malaking insulto para sa mga kawal at mga retiradong tauhan ng Armed Forces of the Philippines.
Pagpapaliit umano sa kasaysayan at sakripisyo ng mga lumaban sa diktadura ang ginawang pagpapalibing sa yumaong diktador. Sa isang press conference na ipinatawag ni G. Ramos, sinabi niya na marapat lamang igalang ang mga taong gumanap ng papel sa pagbabago ng takbo ng pamahalaan.
Mas makabubuti umanong humingi ng extension ang pamilya Marcos sa mga sumunod na pamahalaan sa kasunduang nilagdaan noong 1993. Idinagdag pa ni G. Ramos na nagkasundo sila ng mga Marcos na dalhin ang labi Ilocos Norte, bigyan ng parangal si G. Marcos ayon sa pinakahuling ranggong kanyang nakamtan samantalang naglilingkod sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at hindi ipaparada ang labi sa Metro Manila at hindi ililibing sa Libingan ng mga Bayani.
Inulit ni G. Ramos na marapat humingi ng tawad ang pamilya Marcos sa mga nagawa ng rehimen sa ilalim ng liderato ng diktador.