|
||||||||
|
||
ALERT LEVEL NO. 4 PA RIN. Ito ang sinabi ni Undersecretary Renato U. Solidum, Jr. sa kanyang pahayag sa media. Walong kilometro pa rin ang danger zone bagaman may pamahalaang lokal na nagdagdag ng isang kilometro bilang buffer sa oras na ideklara ang Alert Level N0. 5. (File Photo ni Melo Acuna)
HIGIT sa 60,000 katao mula sa higit sa 15,000 mga pamilya ang pansamantalang naninirahan sa 195 silid-aralan sa 51 evacuation centers sa pagpapanatili ng Alert Level 4 sa paligid ng bulkang Mayon.
Umalis ang mga evacuee sa 52 barangay sa loob ng anim, pito at walong kilometrong danger zones. Lumabas din ang balitang ginawa nang siyam na kilometro ang danger zone.
Ayon kay Science and Technology Undersecretary Renato U. Solidum, Jr., mayroong nagaganap na "Strombolian type of eruption" na kinatatampukan ng pagbukal ng kumukulong putik mula sa bibig ng bulkan na sinasabayan ng pag-usbong ng abo, maiiksing pagragasa ng mainit na usok pababa sa bulkan at mga pag-ulan ng abo.
Idinagdag ni Dr. Solidum na pinanatili nila ang Alert Level 4 at hanggang walong kilometro lamang ang kanilang deklaradong danger zone.
Sinabi ni Dr. Cerdic Daep, pinuno ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na hindi nila pinalaki ang danger zone subalit may mga pamahalaang lokal na nagdeklara ng siyam na kilometro at ginawang buffer zone ang isang kilometro sa oras na itaas sa Alert Level 5 ang Mayon Volcano.
Sa larangan ng kalusugan, sinabi ni Dr. Antonio Loduvice, Albay Provincial Health officer na nakadalo sila sa mga lumikas na mayroong sipon at lagnat at sakit ng ulo at ngipin. Wala siyang nakitang pagtaas ng bilang ng mga nagkasakit dahil sa pag-ulan ng abo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |