Beijing, Tsina--Sa kanyang pakikipagtagpo Huwebes, Abril 26, 2018 kay Elaine Chao, Kalihim ng Transportasyon ng Estados Unidos, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang pagpapahalaga ng bansa sa hangarin ng Amerika na lutasin ang alitang pangkalakalan, sa pamamgitan ng diyalogo at komunikasyon. Laging bukas aniya ang pinto ng Tsina sa talastasan.

Sina Premyer Li Keqiang (kanan) at Kalihim Elaine Chao habang nag-uusap sa Beijing, Tsina, April 26, 2018.(Xinhua/Rao Aimin)
Inulit din ni Premyer Li ang paninindigan ng Tsina na may mutuwal na kapakinabangan ang pagtutulungang pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at Amerika. Wala aniyang makikinabang sa alitang pangkalakalan at maaapektuhan nito ang paglago ng kabuhayang pandaigdig at pandaigdig na chain na industriyal.
Ibayo pang magbubukas sa labas at magdudulot ng mas maraming pagkakataon sa daigdig ang Tsina, dagdag pa ni Li.
Sinabi naman ni Kalihim Chao na sa kasalukuyan, nasa mahalagang yugto ang relasyong Sino-Amerikano. Umaasa aniya siyang aani ng magandang resulta ang konsultasyon ng dalawang bansa hinggil sa kabuhayan at kalakalan.
Nandito sa Beijing si Chao para lumahok din sa Ika-9 na Taunang Pulong ng China-U.S. Transportation Forum.
Salin: Jade
Pulido: Rhio