Nagtagpo kahapon, Biyernes, ika-30 ng Nobyembre 2018, sa Buenos Aires, Argentina, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya.
Sinabi ni Xi, na ang susunod na taon ay ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng Tsina at Rusya ng relasyong diplomatiko, at dapat samantalahin ang pagkakataong ito para ibayo pang pasulungin ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa. Umaasa rin aniya siyang pananatilihin ang taunang pagdadalawan ng mga lider ng dalawang bansa, at pahihigpitin ang koordinasyon sa loob ng mga multilateral na mekanismo.
Ipinahayag naman ni Putin, na mahalaga ang mahigpit na pagpapalagayan sa mataas na antas ng Rusya at Tsina. Nakahanda aniya ang Rusya, kasama ng Tsina, na palalimin ang pragmatikong kooperasyon, pangalagaan ang kapayapaan at katiwasayan ng daigdig, at pasulungin ang pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig.
Salin: Liu Kai