Nakikiisa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Komunidad na Sino-Pilipino sa pagdiriwang ng Chinese New Year ngayong araw, Pebrero 5, 2019.
Saad niya sa isang nakasulat na mensahe na ipinadala sa mga Tsinoy at mga Tsino na nakabase sa Pilipinas, ang pagkakaibigan at kooperasyon na naitatag sa pagitan ng Pilipinas at Tsina ay hindi lamang nagbigay-daan sa kasaganaan at pag-unlad ng ekonomiya ng dalawang bansa, kundi nagbigay rin ng natatanging kultura na pinayabong ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba.
Ani pa ni Pangulong Duterte, nawa maihatid ng bagong taon ang pag-asa, inspirasyon, at mas maraming tagumpay sa komunidad na Sino-Filipino at buong bansa. Hinimok din niyang magkasamang pagyamanin pa ang mga paniniwala at paninindigan na magsusulong sa malakas na kagustuhang pairalin ang kapayapaan at pag-uunawaan habang pinagtatagumpayan ang mga pagsubok sa hinaharap.
Ulat: Mac
Edit: Jade