|
||||||||
|
||
Nitong Lunes, Pebrero 11, unang araw ng pagpasok pagkatapos ng pitong araw na bakasyon ng Spring Festival o Chinese New Year, idinaos ng pamahalaang munisipal ng Shanghai ang pulong hinggil sa ibayo pang pagpapabuti ng kapaligirang pangnegosyo. Dalawampu't limang (25) may kinalamang bagong hakbangin ang inilunsad sa pulong.
Limang taong singkad lumahok si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa diskusyon ng mga delegado ng Shanghai sa taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC, punong lehislatura ng Tsina. Noong 2017, ipinangako ni Xi ang pananangan ng Tsina sa komprehensibong pagbubukas sa labas at pagpapaginhawa sa kalakalan at pamumuhunan.
Bilang pagtupad sa nasabing pangako, noong Enero 7, 2019, sinimulan ang konstruksyon ng Tesla Gigafactory sa Lingang Industry Area ng Shanghai. Ito ang pinakamalaking manufacturing project mula sa dayuhang pondo sa Shanghai, at ito rin ang kauna-unhang Tesla Gigafactory sa labas ng Amerika.
Kaugnay nito, sinabi ni Elon Musk, CEO ng Tesla na kung walang suporta ng pamahalaan ng Shanghai, hindi naging ganito kabilis ng konstruksyon ng Tesla Gigafactory.
Si Musk
Sinabi ni Chen Jie, Pangalawang Direktor ng Lupon ng Pangangasiwa ng Lingang na noong 2018, dalawang beses ang kabuuang halaga ng mga kontrata ng puhunang dayuhan ng Lingang kumpara sa taong 2017. Ito aniya ang bunga ng ibayo pang pagbubukas sa labas ng Lingang.
Noong Setyembre, 2013, itinatag ang Shanghai Pilot Free Trade Zone (SHFTZ). Nitong limang taon sapul nang itatag ito, ipinakilala nito sa buong bansa ang 127 bunga ng inobasyon.
Kasabay nito, maraming kilalang transnasyonal na bahay-kalakal ang nagbukas ng sangay sa Shanghai. Sinabi ni Ulrich Spiesshofer, Presidente at CEO ng ABB, pioneering high-tech company na ang kanilang napakasulong na pabrika ng robotiks sa Shanghai ay makakatulong sa Shanghai na manguna sa automation at Artificial Intelligence (AI) sa daigdig.
Si Spiesshofer
Nangungna rin ang Shanghai sa inobasyon. Ito rin ang kahilingan ni Pangulong Xi. Kaugnay nito sinabi ni Zhang Suxin, Puno ng Shanghai Huahong (Group) Co., Ltd., kilalang Integrated Circuits (IC) company ng Tsina, na sa hinaharap, pag-iibayuhin ng kompanya ang laang-gugulin sa inobasyon.
Si Zhang
Upang mapaganda ang kapaligiran, nitong Enero, pinagtibay ng Shanghai ang batas hinggil sa garbage classification. Upang ipatupad ang batas, nagbibigay-tulong din ang mga boluntaryo sa mga residente ng iba' t ibang kabahayan ng Shanghai.
Sa Hongchu Community sa Shanghai, isang boluntaryo habang nagbibigay-tulong sa isang residenteng lokal
Sinabi naman ni Ma Chunlei, Pangalawang Pangkalatahang Kalihim ng Pamahalaang Munisipal ng Shanghai na buong sikap na paglilingkuran ng mga opisyal ng Shanghai ang mga mamamayang lokal at mga mamumuhunang dayuhan para ipagpatuloy ang kasiglahan ng metropolis sa reporma't pagbubukas sa labas.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |