Sa panel discussion kahapon, Biyernes, ika-8 ng Marso 2019, ng Ika-2 Sesyon ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina na ginaganap sa Beijing, ang pagpapaunlad ng kanayunan ay naging pangunahing paksang tinalakay ni Pangulong Xi Jinping, kasama ng mga deputado ng NPC mula sa Henan, isang pangunahing lalawigang pang-agrikultura ng bansa. Inilahad ni Xi ang kanyang mga paninindigan sa paksang ito.
Sinabi niyang, dapat igiit ang pagpapanatili ng 120 milyong hektaryang sinasakang lupain, bilang baseline ng food security ng Tsina. Ito aniya ay paggarantiya sa suplay ng mga pangunahing produktong agrikultural, lalung-lalo na ng mga pagkaing-butil. Ito rin ay priyoridad ng estratehiya ng pagpapaunlad ng kanayunan, dagdag ni Xi.
Tinukoy din ng Pangulong Tsino, na dapat puspusang pasulungin ang 3-taong aksyon ng pagpapabuti ng kapaligirang panirahan sa kanayunan, na sinimulan noong isang taon. Binigyang-diin din niya ang pagpapalakas ng social security at welfare system para sa mga rural migrant worker sa kalunsuran at kani-kanilang mga kamag-anakang nananatili sa kanayunan.
Iniharap din ni Xi, na dapat pasiglahin ang pamumuhunan ng pribadong sektor sa kanayunan, lalung-lalo na sa aspekto ng konstruksyon ng imprastruktura, na gaya ng transportasyon, patubig, pasilidad ng tubig-inumin, lohistika, at telekomunikasyon. Dapat din aniyang hikayatin ang mga talento sa kanayunan para pasulungin ang modernong agrikultura.
Salin: Liu Kai