Sa isang news briefing ng Ika-2 Sesyon ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina na ginanap Biyernes, Marso 8, 2019, sinagot ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang mga tanong ng mga mamamahayag na Tsino't dayuhan hinggil sa mga patakarang diplomatiko at relasyong panlabas ng Tsina. Binigyan ng mga dayuhang dalubhasa't iskolar ng mataas na pagtasa ang ideyang diplomatiko at tagumpay ng diplomasya ng Tsina. Ipinalalagay nilang gagawa ang Tsina ng mas malaking ambag para sa pangangalaga sa kapayapaan ng daigdig, at pagpapasulong sa progreso ng sangkatauhan.
Sinabi ni William Jone, Washington Bureau Chief ng magasing Executive Intelligence Review ng Amerika, na may katuturang historikal ang Belt and Road Initiative, at kataka-taka ang natamong tagumpay sa aspekto ng konstruksyon ng imprastruktura, sapul nang iharap ang inisyatibang ito noong 2013. Aniya, salamat sa nasabing inisyatiba, may mas malaking kompiyansa ang iba't ibang bansa sa daigdig na harapin ang mga komong hamong tulad ng kahirapan.
Sinabi naman ni Sergey Sanakoyev, Direktor ng Russia-China Analytical Center, think tank ng Rusya, na itinatatag ng Tsina ang bagong relasyong pandaigdig sa iba't ibang bansa. Kaakit-akit ang ganitong bagong relasyon, at nakahanda ang parami nang paraming bansa na makipagkooperasyon sa Tsina, dagdag niya.
Salin: Vera