Dumating ng Brussels, Belgium, kahapon ng hapon, Lunes, ika-8 ng Abril 2019, local time, si Premyer Li Keqiang ng Tsina. Sa pananatili rito, dadalo siya sa Ika-21 Summit ng Tsina at Unyong Europeo (EU).
Sa kanyang talumpati sa paliparan, sinabi ni Li, na ang Tsina at Europa ay kapwa malalaking puwersa at pamilihan sa pandaigdig na arena, at ang dalawang panig ay mahalagang katuwang ng isa't isa. Umaasa aniya siyang, sa idaraos na summit, malalim na magpapalitan ng kuro-kuro ang dalawang panig hinggil sa relasyong Sino-EU, mararating ang malawak na komong palagay hinggil sa bilateral na pragmatikong kooperasyon, matatamo ang substansyal na progreso sa talastasan hinggil sa kasunduan sa pamumuhunan, at ibayo pang payayamanin ang komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang panig.
Ipinahayag din ni Li ang pagkatig ng panig Tsino sa EU, integrasyon ng Europa, at pagpapatingkad ng Europa ng mas mahalagang papel sa mga pandaigdig na suliranin. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng EU, na palakasin ang koordinasyon at kooperasyon sa mga pandaigdig na suliranin at pangalagaan ang multilateralismo at malayang kalakalan. Ang mga ito aniya ay magiging ambag ng dalawang panig para sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng daigdig.
Salin: Liu Kai