Sinabi kahapon, Lunes, ika-15 ng Abril 2019, sa Beijing, ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang kooperasyon ng kanyang bansa at mga bansang Latin-Amerikano ay batay sa paggagalangan, pagkakapantay-pantay, mutuwal na kapakinabangan, at win-win situation.
Winika ito ni Lu, bilang tugon sa di-mapagkaibigang pahayag na ginawa kamakailan ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika, hinggil sa relasyon ng Tsina at Latin-Amerika. Aniya, di-responsable ang paghahayag ng ganitong walang-batayang pananalita, at pagtatangka na sirain ang reputasyon ng Tsina at buwagin ang relasyong Sino-Latin-Amerikano.
Dagdag ni Lu, ang kooperasyon ng Tsina at mga bansang Latin-Amerikano ay makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan sa lokalidad, at pagdaragdag ng kapakinabangan sa mga mamamayan ng mga bansa. Ibinigay niya ang kooperasyon ng Tsina at Chile bilang halimbawa. Noong isang taon, 26.9 bilyong Dolyares ang halaga ng pagluluwas ng Chile sa Tsina at lumaki ito ng 26.9% kumpara sa taong 2017. Samantala, mahigit 6 na bilyong Dolyares ang ipinuhunan ng Tsina sa Chile. Gumanap ang mga ito ng positibong papel para sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Chile, ani Lu.
Salin: Liu Kai