Ang talumpating ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-26 ng Abril 2019, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation ay nagresulta sa mainit na reaksyon ng komunidad ng daigdig.
Sinabi ni Antonio Lambino, Asistenteng Kalihim ng Kagawaran ng Pananalapi ng Pilipinas, na nare-realisa ang mga nilalaman ng Belt and Road Initiative (BRI) sa pamamagitan ng koordinasyon at kooperasyon ng iba't ibang panig. Ang inisyatibang ito aniya ay isa sa mga pinakanakapagpapasiglang inisyatibang pangkaunlaran sa kasalukuyang daigdig.
Sinabi naman ni Do Tien Sam, dating puno ng Institute of Chinese Studies ng Academy of Social Science ng Biyetnam, na ang BRI ay nagbibigay ng ambag para sa kaunlarang pandaigdig sa iba't ibang aspektong gaya ng paglikha ng mga trabaho at pagpapasulong sa konstruksyon ng imprastruktura sa mga bansa, pagpapalalim ng pag-uunawaan at pagtitiwalaan ng iba't ibang panig, at pagpapalakas ng kooperasyon sa mga isyung pandaigdig na kinabibilangan ng pagharap sa pagbabago ng klima, pagbabawas ng kahirapan, at iba pa.
Lubos na positibo naman si Aye Kyu, Chief Editor ng pahayagang D Wave ng Myanmar, sa sinabi ni Pangulong Xi, na ang konektibidad ay pinakamahalagang bahagi ng BRI. Ipinalalagay niyang, sa pamamagitan ng paglahok sa BRI, tuluy-tuloy na uunlad ang imprastruktura ng mga umuunlad na bansa.
Salin: Liu Kai