Iniharap kamakailan ng Huawei Technologies Co. Ltd. sa hukumang Amerikano ang sakdal laban sa Kagawaran ng Komersyo ng Amerika, kaugnay ng mga ilegal na aksyon ng kagawarang ito ng pagsamsam ng mga kagamitan ng Huawei at pag-aantala sa paggawa ng desisyon hinggil sa mga kagamitang ito.
Ayon sa dokumento ng hukuman, noong 2017, inihatid ng Huawei ang ilang kagamitang pang-telekomunikasyon na yari sa Tsina sa isang nagsasariling laboratoryo sa California, Amerika, para sa pagsusuri ng sertipikasyon. Pagkaraan ng pagsusuri, noong Setyembre ng 2017, habang inihahatid ang naturang mga kagamitan pabalik sa Tsina, sinamsaman ng Kagawaran ng Komersyo ng Amerika ang mga ito sa Anchorage, Alaska, sa pangangatwiran ng pagsusuri sa mga ito para siguruhin kung kailangan o hindi ang lisensya para sa pagluluwas.
Pagkaraan nito, iniharap ng Huawei sa Kagawaran ng Komersyo ang mga kinakailangang impormasyon. Pero hanggang sa kasalukuyan, nasasamsaman pa rin nang halos 2 taon ang naturang mga kagamitan, at hindi pa ginagawa ng Kagawaran ng Komersyo ang desisyon kung kailangan o hindi ang lisensya para sa pagluluwas. Samantala, sa karaniwan, ang ganitong desisyon ay dapat gawin sa loob ng 45 araw.
Ipinalalagay ng Huawei, na ang naturang mga kagamitan ay niyari sa labas ng Amerika at inihatid ang mga ito pabalik sa orihinal na bansa ng pagyari, kaya hindi kailangan ang lisensya para sa pagluluwas. Anito, ilegal ang kapwa pagsamsam ng Kagawaran ng Komersyo ng mga kagamitang ito at pag-aantala sa paggawa ng may kinalamang desisyon. Hinihiling ng Huawei sa Kagawaran ng Komersyo na gawin ang desisyon sa lalong madaling panahon, at kung ang desisyon ay hindi labag sa regulasyon ang paghahatid ng naturang mga kagamitan, dapat agarang palayain ng Kagawaran ng Komersyo ang mga ito.
Salin: Liu Kai