
Kahapon, Oktubre 1, Pambansang Araw at ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina (PRC). Bilang pagdiriwang sa okasyong ito, isang maringal na gala na may temang "Tsina, Mahal Kita" ang idinaos kagabi, sa Tian'anmen Square, Beijing, kabisera ng bansa.
Libu-libong kinatawan mula sa iba't ibang sektor at iba't ibang lahi ng bansa ang lumahok sa pagtatanghal na kinabibilangan ng koro, sayaw, palabas ng paputok, at iba pa. Karamihan sa mga kalahok ay karaniwang mamamayang Tsino. Sa pamamagitan ng pagtatanghal, ipinakikita nila ang pagmamahal sa inang-bayan.
Si Zhe Xu ay isang magsasaka mula sa Yulin, lalawigang Shaanxi sa dakong hilaga-kanluran ng Tsina. Itinanghal niya, kasama ng mga taga-nayon ang sayaw ng yaogu o waist drum, katutubong sining ng Yulin. Ani Zhe, ito ang kanyang kauna-unahang paglahok sa ganitong maringal na pagtatanghal. Excited na excited aniya siya. Ipinahayag din ni Zhe ang pag-asang sasagana pa ang inang-bayan at bubuti pa ang pamumuhaya ng mga mamamayang Tsino.


Kasabay ng 90 minutong palabas, naging maliwanag ang langit ng Beijing sa palabas ng makukulay na paputok. Binuo ng palabas ng paputok ang numerong 70, salitang Tsino na Chinese Dream, hugis basket ng bulaklak, berdeng puno at iba pa.





Salin: Jade