Bilang tugon sa pananalitang may kinalaman sa Hong Kong ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, inulit nitong Miyerkules, Enero 8, 2020 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang mga suliranin ng Hong Kong ay purong suliraning panloob ng Tsina, at walang karapatang maki-alam dito ang anumang pamahalaan, organisasyon at indibiduwal na dayuhan.
Ayon sa ulat, sinabi nitong Martes ni Pompeo na napansin niya ang paghirang ng panig Tsino ng bagong direktor ng Tanggapang Liasyon ng Pamahalaang Sentral sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR). Umaasa aniya siyang susundin ng Tsina ang pangako nito sa Magkasanib na Pahayag ng Tsina at Britanya, at igagarantiya ang pagtatamasa ng Hong Kong ng pagsasarili at kalayaan sa pangangasiwa alinsunod sa batas.
Kaugnay nito, tinukoy ni Geng na, sapul nang bumalik sa inang bayan, pinangangasiwaan ng panig Tsino ang HKSAR, ayon sa konstitusyon ng Tsina at saligang batas ng HKSAR. Ang iba't ibang karapatan at kalayaan ng mga taga-Hong Kong ay lubos na iginagarantiya ayon sa batas, at ito ay katotohanang kinikilala ng komunidad ng daigdig.
Salin: Vera