Inaresto kamakailan ng panig pulis ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) ang 14 katao na pinaghihinalaang nag-organisa at nakilahok sa rali na walang permiso mula sa awtoridad. Kaugnay nito, naglabas ang Amerika, Australia, at Britanya ng pahayag para ipaabot ang kanilang mahigpit na pagsubaybay sa kasong ito. Hinihiling din nila sa panig pulis ng Hong Kong na bawiin ang pagsasampa ng kaso sa naturang mga raliyista.
Tungkol dito, ipinahayag sa Beijing nitong Lunes, Abril 20, 2020 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na walang sinuman ang higit sa batas. Hindi dapat baluktutin at dungisan ang pagpapatupad ng tamang kaparusahan ng panig pulis ng Hong Kong alinsunod sa batas.
Idinagdag pa ni Geng na ang ginawa ng nasabing tatlong bansa ay walang galang na panghihimasok sa suliranin ng Hong Kong ng Tsina, malubhang paglapastangan sa pangangasiwa alinsunod sa batas at nagsasariling katarungan ng Hong Kong, at lantarang pagsuporta sa mga elementong kumukontra laban sa Tsina at nanggugulo sa Hong Kong. Ipinahayag ng panig Tsino ang matinding pagkondena at mariing pagtutol hinggil dito, ani Geng.
Salin: Lito