|
||||||||
|
||
Ang biglaang pananalasa ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ay nagbigay ng malaking hamon sa ekonomiya ng buong mundo, kasama na riyan ang Pilipinas at Tsina.
Dahil dito, napilitang magbago ang nakagawiang paraan ng pagnenegosyo at nag-iba ang pangangailangan sa konsumo.
Kaya naman, sa nakalipas na ilang buwan, patuloy ang Pilipinas at Tsina sa pagpapalakas ng sariling ekonomiya sa pamamagitan ng pagsusulong ng domestikong konsumo at turismo, sa makabagong paraan.
Sa panayam sa China Media Group-Filipino Service (CMG-FS), sa sidelines ng katatapos lamang na China International Fair for Trade In Services (CIFTIS) sa Beijing, sinabi ni Dr. Erwin Balane, Tourism Attache ng Pilipinas sa Beijing, na bago buksan ang Pilipinas sa mga turistang dayuhan, nais ng pamahalaang Pilipino na maranasan muna ng mga lokal na biyahero ang mga destinasyon ng bansa.
Kaugnay ng polisiyang ito, patuloy ang rehabilitasyon ng mga lugar panturismo sa kalakhang Maynila, kagaya ng Look ng Maynila, na nakikitang darayuhin ng mga lokal na turista, sa sandaling matapos ito.
Matatandaang sa kanyang pinakahuling State-of-the-Nation-Address (SONA) binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtutuunan ng pansin ng kanyang administrasyon ang pagpapalakas ng domestikong turismo para mapanumbalik ang kita ng maraming manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.
Sa kabilang dako, ang Tsina ay tumatalima sa idea ng "dual-cycle development pattern," na nangangahulugang nakasandig ang pagyabong ng ekonomiya ng bansa sa kapuwa domestiko at internasyonal na paglakas, subalit ang domestikong ekonomiya pa rin ang pangunahin nitong lakas-panulak.
Ayon sa pinakahuling datos na inilabas, Setyembre 15, 2020 ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, noong nakaraang Agosto, sa kauna-unahang pagkakataon sa taong ito, tumaas ng 0.5% ang halaga ng consumer goods retail, kumpara sa gayunding panahon ng taong 2019.
Kasabay nito, umakyat ng 5.6% ang paglaki ng value-added industrial output ng bansa noong Agosto, kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon.
Ito rin ang pinakamabilis na buwanang pagtaas sa 2020.
Upang mapalakas ang sentimiyento ng consumer market at gumawa ng mga bagong oportunidad sa pagpapasigla ng mga negosyo, pinasinayaan ng Tsina Setyembre 8, 2020 ang "2020 National Consumption Promotion Month & Beijing Fashion Consumption Month," na tatagal mula Setyembre 9 hanggang Oktubre 8, 2020
Ang kampanya ay nasa magkasamang pagtataguyod ng Ministri ng Komersyo ng Tsina at China Media Group (CMG).
Kasabay ng unang araw ng naturang pambansang kampanya, ipinasiya sa pulong ng Konseho ng Estado (Gabinete ng Tsina), na ibayo pang suportahan ang mga bagong modelo ng negosyo para sa mga bagong uri ng konsumo na nakabase sa Internet at teknolohiyang digital, katulad ng produktong industriyal, panindang agrikultural, serbisyong medikal, edukasyon, turismo, pagpapalakas ng katawan, at iba pa.
Tsina, patuloy na magbubukas tungo sa pagtutulungan at magkakasamang pag-unlad
Kasabay ng matatag na pagpapanumbalik ng kabuhayan ng Tsina, ibayo pang nagbubukas ang pamilihang Tsino para makalikha ng mga oportunidad para sa komong kaunlaran.
Sa nabanggit na CIFTIS (Setyembre 4-9, 2020), kauna-unahang pandaigdigang aktibidad hinggil sa kalakalan at pagnenegosyo na ginanap ng Tsina, matapos nitong pangkalahatang makontrol ang pandemiya sa bansa, pinalad na magkaroon ng eksibit booth ang Department of Tourism-Beijing Office (DoT-Beijing).
Ayon kay Dr. Balane, nagkaroon ng business-to-business session sa on-line na plataporma ang mga kompanyang Pilipino at kanilang mga trade partner na Tsino, at maganda ang prospek ng kanilang relasyon sa hinaharap.
Bukod dito, sinabi ni Balane na napakarami ring Tsino ang kumuha ng mga brochure at nagtanong kung kailan muli magbubukas sa turismo ang Pilipinas, at ito ay mataas na indikasyong gusto talaga ng mga mamamayang Tsino na muling makapagbiyahe sa Pilipinas.
Sa kabuuan, 5,372 kompanyang Tsino at dayuhan ang nagtayo ng on-line exhibition booth, nagdaos ng 32 on-line conference at 173 on-line live conference, at naglabas ng 1,870 proyekto sa on-line na plataporma.
Dagdag pa riyan, mga 240 kontrata at kasunduang pangnegosyo sa ibat-ibang larangan ang nalagdaan.
Samantala, sa dakong timog-silangan ng Tsina, idinaos naman noong Setyembre 8 hanggang 11, 2020 ang 2020 China International Fair for Investment and Trade (CIFIT) sa lunsod Xiamen, lalawigang Fujian, kung saan Guest Country of Honor (GCH) ang Pilipinas.
Kalahok dito ang mga pamahalaan, samahan ng mga mangangalakal at negosyante mula sa 42 bansa at rehiyon.
Ayon kay Glenn Penaranda, Commercial Counsellor ng Philippine Trade and Investment Center-Beijing (PTIC-Beijing), ang pagkakapili sa Pilipinas bilang GCH ay patunay sa mabuting pundasyong pang-ekonomiya ng bansa, matalik na pakikipagkooperasyon sa Tsina, at mainam na pagtaya sa Pilipinas bilang lugar pampamumuhunan.
Sinabi ni Penaranda na inilunsad sa 2020 CIFIT ang bagong kampanya ng Pilipinas na "Make It Happen In The Philippines," kauna-unahang sustained and unified multi-sector, multi-market campaign para sa pamumuhunang dayuhan.
Ayon kay G. Penaranda, ang Tsina ay ang pinakamalaking merkado ng mga produktong iniluluwas ng Pilipinas, at dito napupunta ang 27% ng kabuuang pagluluwas ng Pilipinas.
Sa katulad na paraan, ang Tsina rin ang pinakamalaking pinanggagalingan ng mga produktong inaangkat ng Pilipinas, at dito nagmumula ang 23% ng kabuuang pag-aangkat ng Pilipinas.
Noong 2019, ang Tsina ang pinakamalaking pinagmulan ng Approved Foreign Direct Investment ng Pilipinas, na nagkakahalaga ng 9.7 bilyong Yuan Renmibi (Php 67.9 bilyon).
Ipinahayg naman Ana Abejuela, Philippine Agriculture Counsellor sa Tsina, na sa booth ng Kagawaran ng Agrikultura sa 2020 CIFIT, apat na proyekto ang itinanghal na kinabibilangan ng Abaca fiber production enhancement and processing, Expansion and modernization of banana chips processing and establishment of a jumbo Cardaba plantation, Cavendish Banana Farming (Plantation) at pagtatatag ng Biomass Plant (Renewable energy).
Source:
http://english.www.gov.cn/premier/news/202009/09/content_WS5f58f242c6d0f7257693bbb5.html
https://news.cgtn.com/news/2020-08-19/China-takes-creative-measures-to-reduce-food-wastage-T4Z6VhOOWc/index.html
https://news.cgtn.com/news/2020-09-15/China-s-August-industrial-output-grows-5-6-retail-sales-up-0-5--TNBpf8npde/index.html
http://filipino.cri.cn/301/2020/09/10/102s169013.htm
http://filipino.cri.cn/301/2020/09/10/103s169020.htm
http://filipino.cri.cn/301/2020/09/09/102s169006.htm
https://news.cgtn.com/news/2020-09-13/Shanghai-festival-witnesses-development-of-China-s-tourism-sector-TKEsvyp0Ag/index.html
v E-commerce ng Tsina, positibong oportunidad para sa mga produktong Pilipino 11-12 13:05 |
v Pagbubukas at pag-unlad ng distrito ng Pudong, Shanghai, maaaring matutunan ng Pilipinas – Embahador Jose Santiago Sta. Romana 11-11 16:19 |
v Xi Jinping: Pag-unlad ng Tsina at daigdig, hindi dapat paghiwalayin 11-10 21:12 |
v Xi Jinping, lubos na pinahahalagahan ang inklusibo at sustenableng pag-unlad 11-10 19:45 |
Louis Marquez: Shenzhen, magiging lider sa teknolohiya sa buong mundo; pamumuhay sa lunsod, isang biyaya-Mga Pinoy sa Tsina |
Bagong semestre, nagsimula; mga DIY na regalo mula sa mga mag-aaral, inihandog sa mga gurong Pilipino sa Shanghai |
Bong Antivola: 2020 CIFIT hudyat sa kahanga-hangang pagbangon ng Tsina sa gitna ng pandemiya; mamumuhunang Tsino malaki ang interes sa pakikipagkooperasyon sa Pilipinas |
Dandy Menor: 19 na taong paninirahan sa Shenzhen, di mapapantayan-Mga Pinoy sa Tsina |
More>> |
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |