|
||||||||
|
||
Sa nalalapit na 7 araw na Pambansang Bakasyon ng Tsina mula unang araw hanggang ika-7 ng Oktubre, parami nang paraming Tsino ang nagsasadya sa ibang bansa para makakita ng magandang tanawin, makatikim ng masarap na pagkain at ibang kultura sa Tsina.
Bukod sa nabanggit na mga bagay, ang isyu ng kaligtasan ay nagiging mahalagang standard ng mga turistang Tsino sa pagpili ng kanilang destinasyon sa ibayong dagat. Dahil sa katatapos na sagupaan na naganap noong ika-21 ng Setyembre sa Westgate Shopping Mall sa Nairobi, Kenya, 2 Tsino ang nasawi. Nauna rito, nawala ang 2 turistang Tsino sa Ehipto sa buwang ito.
Kasunod ng paglaki ng kabuhayang Tsino at pagbuti ng pamumuhay nila, parami nang paraming Tsino ang naglalakbay sa ibayong dagat, lalo na sa panahon ng bakasyon na gaya ng Spring Festival at National Vacation.
Ayon sa datos ng Pambansang Kawanihan ng Turismo ng Tsina, mahigit 77 milyong Tsino ang naglakbay sa ibang lugar liban sa mainland sa taong 2012 na lumaki ng 20.2% kumpara sa taong 2011.
Kasabay nito, ang kaligtasan ng mga turistang Tsino sa ibayong dagat ay unti-unting nagiging isyung pinag-uukulan ng pansin ng lipunang Tsino dahil sa mga insidente kung saan nalagay sa panganib ang mga Tsino sa ibayong dagat.
Kahit mabilis na lumalaki ang bilang ng mga turistang Tsino sa ibayong dagat, hindi sila madalas na naglalakbay sa ibang mga bansa at saka kulang pa rin ang karanasan nila sa pangangalaga ng sariling kaligtasan.
Halimbawa sa nabanggit na insidente sa Kenya nakaraang Linggo, ipinalabas na ng Embahadang Tsino ang alerto sa paglalakbay dahil sa masamang kaayusang panlipunan sa lokalidad na dulot ng paglaki ng agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, at sagupaan sa pagitan ng mga lahi at terorismo. Pero hindi ito nakaapekto sa pagpili ng mga Tsino na papunta sa bansang ito.
Bukod dito, ang isa pang bagay na nakakaapekto sa kaligtasan ng mga turistang Tsino sa ibayong dagat ay ang kanilang ideya sa kaligtasan.
Walang duda, hindi lahat ng mga lugar na pinupuntahan ng mga Tsino ang mayroong maayos na kalagayang panseguridad. Pero para sa kanila, ang sagupaan, marahas na insidente at terorismo ay nagaganap lamang sa ilang rehiyon na gaya ng Iraq, Gitnang Silangan at Afghanistan na madalas na naiuulat sa media.
Sa isa pang dako, kahit anuman ang pagtasa sa pamahalaang Tsino, malakas talaga ang puwersa nito sa pangangalaga sa kaayusan at kaligtasan ng lipunan, lalo na sa mga lugar panturismo. At maayos naman ang gawain sa larangang ito. Kaya para sa mga turistang Tsino, naniniwala silang may sapat na puwersa ang mga pamahalaan ng ibang mga bansa sa pangangalaga sa kaayusan at kaligtasan ng lipunan.
Nitong ilang taong nakalipas, ang mga bansa sa Aprika, Timog Silangang Asya, at Latin Amerika ay naging bagong destinasyon ng mga turistang Tsino dahil sa murang gastusin doon kumpara sa mga bansa sa Europa at Amerika, at mga bagong bagay na bihirang nakikita sa ibang mga lugar.
Pero kumpara sa mga bansang maunlad, mas madaling naaapektuhan ang naturang mga bagong destinasyon ng hamong panseguridad na dulot ng terorismo, agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, hidwaan ng relihiyon at lahi.
Para sa mga turistang Tsino, hindi lubos ang kanilang kaalaman sa aktuwal na kalagayan ng naturang mga bagong destinasyon at dahil dito, hindi naman nila nauunawaan ang mga nakatagong panganib na dulot ng mga isyung panlipunan doon.
Kahit malakas ang loob ng mga Tsino na maglakbay sa anumang lugar sa daigdig, para sa pamahalaang Tsino, ang pangangalaga sa kaligtasan ng mga turistang Tsino sa ibayong dagat ay isang mahalagang tungkulin at nangangailangan ng mas maraming pagsisikap.
Back to Ernest's Blog
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |