|
||||||||
|
||
Pulso ng Gurong Pinoy hinggil sa bagong employment policy ng Tsina
|
Upang itaas ang kalidad ng pagtuturo ng wikang Ingles, ipatutupad ng Tsina ang bagong polisiya para sa mga dayuhang guro na nais magturo sa bansa. Ayon sa bagong regulasyon, ang mga dayuhang guro na hindi native English speakers ay dapat may diploma mula sa mga pamantasang matatagpuan sa English speaking countries.
Inalam ni Mac Ramos ang opinyon ng mga Pilipinong guro na kasalukuyang nagtatrabaho dito sa Tsina.
Si Lampel Joy Solis habang nagtuturo sa Ivy Schools. Siya ay dating guro ng Araling Panlipunan sa Pilipinas at isang eksperto rin sa Kindermusik.
Si Lampel Joy Solis ay nagtuturo sa Ivy Schools China. Kung susumahin, pitong taon na siyang nagtuturo bilang dayuhang pre-school teacher. Balak sana niyang ipasok bilang teacher ang kanyang kapatid pero dahil sa bagong polisiya mukhang mahihirapan siyang makahanap ng trabaho sa Beijing. Ani Lampel Solis ang entry-exit laws ng China ay palagiang nagbabago. Pero siniguro naman ng kanyang eskwelahan na wala siyang dapat ipag-alalala lalo pa't nalalapit ang kanyang visa renewal sa darating na Mayo.
Si Ferdinand Miguel (pinakakaliwa) habang nagsasagawa ng training para sa mga ESL Teachers sa Owen Foreign Language School Yubei, Chongqing.
Sa Chongqing naman lunsod sa timog kanluran ng Tsina. Dito 10 taon nang nagtuturo sa Owen Foreign Language School si Ferdinand Miguel. Aniya naiintindihan niya ang hangarin ng bagong polisiya at sang ayon siya sa paghihigpit sa requirements. Paliwanag ni Ferdinand Miguel na kailangan talaga na tapos sa kolehiyo ang mga dayuhang guro. Pero dagdag niya maraming mga bagay ang dapat isa alang alang bukod sa diploma, tulad ng tunay na pagmamalasakit sa mga estudyante na ipinagpapasalamat ng maraming magulang na Tsino.
Si Steve Genis (gitna) kasama ang kanyang dalawang estudyante sa Guangdong University of Finance.
Samantala sa Guangzhou, may kaunting pangamba si Steve Genis guro ng Ingles sa Guangdong University of Finance. Sa ngayon karamihan aniya ng mga guro ay may kaunting pagaalala sa lubusang pagpapatupad ng bagong polisiya. Aniya inaasahan niyang bibigyang pansin din ng pamantasan ang matagal niyang serbisyo at pahahalagahan ang kanyang galing sa pagtuturo sa kabila ng pagiging Pinoy at hindi isang native English speaker.
Pakinggan ang buong panayam sa programang Mga Pinoy sa Tsina.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |