|
||||||||
|
||
Sa aking isipan, naiiwan ang maraming katanungan: Ano nga ba ang tunay na dahilan ng pagkakagulo? Ito ba ay para sa kalayaan? Para ba ito sa pagtatanggol ng karapatan? Ito ba ay dahil sa pakikialam ng ilang mga makapangyarihang bansa para sa kanilang nasyonal na interes? Ano nga ba ang tunay na halaga ng kapayapaan at bakit napakahirap itong makamtan?
Batid nating lahat na magmula nang mangyari ang "9-11 Attack" sa Estados Unidos, hindi na kailanman naibalik sa dati ang pamumuhay ng daigdig. Ito rin ang nagbunsod sa pandaigdigang pakikibaka laban sa terorismo na nagresulta sa pagkagupo ng Afghanistan at Iraq.
Kamakailan ay ipinagmalaki rin ng Amerika sa buong daigdig ang tagumpay nito laban sa terorismo sa pamamagitan ng pagkakapatay kay Osama Bin Laden.
Ngunit, sa kabila ng mga naganap, hindi pa rin mapayapa ang daigdig, nariyan pa rin ang mga suicide attacks sa Afghanistan, Iraq, Pakistan, at India.
Sa kabilang dako, lalo pang lumala ang situwasyon sa paglitaw ng mga madugong demonstrasyon sa Ehipto, Libya, Syria, Turkey, at iba pang bansa sa gitnang silangan.
Ano nga ba talaga ang nangyayari sa mundo? Ito ba ay sanhi ng pagkagahaman ng tao sa kapangyarihan, o paghahangad ng kalayaan sa pamamagitan ng dahas.
Kung susuriin natin ang mga pangyayari, lumilitaw na ibat-iba ang dahilan ng mga kaguluhang ito, pero, iisa lamang ang layunin; at ito ay ang pakikipaglaban upang makamit ang kalayaan, kasaganaan, kapayapaan, at pagkakapantay-pantay.
Subalit, bakit dahas ang paraan na tinatahak ng ating mga pamahalaan upang makamit ang mga ito? Makakamit ba talaga natin ang kapayapaan at kalayaan sa pamamagitan ng dahas?
Kung tayo ay mag-oobserba, makikita natin sa mga pangyayari mula noong "9-11" na hindi nagresulta ng kapayapaan at kalayaan ang dahas. Ito ay nagdulot lamang ng kamatayan, kahirapan, at kawalang katarungan.
Huwag na tayong lumayo pa, gawin nating halimbawa ang mga pangyayari sa Pilipinas. Sa hinaba-haba ng panahon ng pakikibaka ng pamahalaan laban sa mga tinaguriang insurhente sa Mindanao, hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba ang digmaan dito.
Marami pa rin ang mga naghihirap at marami pa rin ang mga namamatay dahil sa kaguluhan. Hindi rin makapasok ang komersyo na magdadala ng trabaho at pag-unlad dahil sa digmaan.
Sa aking sariling palagay, baka naman mali ang tinatahak nating direksyon, baka naman ang digmaan ay hindi ang tamang landas tungo sa kapayapaan at pagkakapantay-pantay. Bakit hindi natin subukin ang mapayapang paraan upang makamtan ang minimithing kapayapaan, kasaganaan, at pagkakapantay-pantay? Tutal, kung kapayapaan ang nais mo, hindi ba dapat kapayapaan din ang landas na dapat mong tahakin?
Tungkol diyan, gusto kong ibahagi sa inyo ang isang video mula sa GMA7 na aking nasumpungan sa aking pananaliksik:
Kakaiba man ang kanilang paraan. Hindi ba't epektibo naman? Ipinapakita lang nito na sa pamamagitan ng mapayapa at demokratikong paraan makakamtan ang minimithing kapayapaan at kasaganaan.
Sa bandang huli, kung ang mapayapang landas ang tatahakin ng ating mga pamahalaan, sa aking opinyon, mas magiging katanggap-tanggap ang resulta ng kanilang mga gawain.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |