Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Isang malinaw na sulyap sa kinabukasan ng mga asong patnubay

(GMT+08:00) 2012-07-19 14:25:22       CRI
Mga kumare at kumpare, kamakailan ay niratipikahan ng State Council ng Tsina ang isang regulasyon na magbibigay ng mas kombinyenteng pasilidad at serbisyo sa mga taong may kapansanan, at ito ay magkakabisa sa unang araw ng Agosto.

Si Manang Chen Yan ay nabulag dahil sa sakit na congenital cataract. Pero, sa kabila ng kanyang kondisyon, ang 39 na taong gulang na babeng ito ay aktibo pa rin at malakas. May-ari siya ng isang tindahan ng piano, at siya rin ay magsasapubliko ng isang aklat na pinamagatang "You Are My Eyes," na inihahandog niya sa kanyang asong patnubay o guide dog na si Jenny.

Si Jenny po ay 4 na taong gulang na asong patnubay at nabibilang sa lahing Labrador. Dumating siya sa buhay ni Manang Chen noong 2011. At mula noon, siya na ang nakakasama ni Manang sa lahat ng kanyang mga gawain, maging ito ay pagpunta sa supermarket, pagpunta sa piano store, at maging sa mga biyahe sa Tsina.

Pero, dahil sa mga kasalukuyang umiiral na regulasyon, madalas nakakaranas ng mga di-magandang karanasan si Manang at Jenny kapag sila ay nagpupunta sa mga istasyon ng bus, istasyon ng tren, subway, parke, lugar panturista, at mga hotel, sa mga lunsod na katulad ng Beijing at Nanjing. Pero, sa kabila nito, sinabi ni Manang na mayroon ding mga lunsod na sensitibo sa mga pangangailangan ng mga bulag at kanilang mga guide dog. Katulad sa mga lunsod ng Fuzhou at Xiamen sa probinsya ng Fujian, "kailangan ko lang mag-book ng hotel at advance flight, at wala na akong problema," ani Manang.

Sa paglabas ng balita sa bagong regulasyon, umaasa si Manang Chen na magtataglay ito ng mga detalye at alituntunin tungkol sa akses ng mga asong patnubay sa mga gusali at ibat-ibang establisyemento. Aniya, mayroon na ring mga naunang regulasyon na ipinalabas ang pamahalaan hinggil sa akses ng mga asong patnubay, pero, hindi naman masyadong ipinapatupad.

Si Jenny ay isa lamang sa 8 asong patnubay na nasa Beijing. Ang kabuuang bilang ng mga asong patnubay sa buong Tsina ay 40, at karamihan sa kanila ay nagmula sa dog training center sa lunsod ng Dalian, probinsya ng Liaoning. Mula noong 2006, nakapagbigay na ang sentrong ito ng 29 na aso sa mga taong may kapansanan sa paningin. Sa kasalukuyan, 70 aso pa ang sinasanay upang maging patnubay.

Si Wang Lin ay isa namang 26 na taong gulang na beterenaryo ng dog training center sa Dalian, at nakapagsanay na siya ng 6 na aso, na naibigay na sa mga taong may kapansanan sa paningin. Sinabi ni Wang na halos lahat ng mga may-ari ng aso ay nagkakaroon ng problema sa kanilang pagbibiyahe at paggawa ng araw-araw na aktibidad kasama ang kanilang mga patnubay, dahil sa mga regulasyon ng pamahalaan.

Si Betty, pinakahuling nagtapos mula sa dog training center ay nakahanap ng tahanan noong Abril, at siya rin ang kauna-unahang asong patnubay sa lunsod ng Jinan, probinsya ng Shandong. Pero, katulad ni Jenny, nakakaranas din si Betty ng kahirapan kapag sumasakay ng bus at iba pang sasakyan. Bagamat, laging pinagpipilitan ni Chen Xin, may-ari ni Betty, na bigyan ng karapatan si Betty na makasakay dahil siya ang kanyang patnubay, mahirap pa rin ang kalagayan nila.

Dahil dito, nagtungo sa lunsod ng Jinan si Wang Lin, kasama ang isang aso upang tulungan sila Chen at Betty. Isang taga-probinsyang Zhejiang na nagngangalang Zhu Weicheng ang nagpunta rin, kasama ang kanyang aso na si Feifei. Kinatagpo ng tatlong ito ang mga lokal na opisyal ng Jinan upang ipaliwanag ang kanilang kondisyon at itaas ang kamulatan ng mga opisyal at ordinaryong mga mamamayan hinggil sa kahalagahan ng mga asong patnubay sa buhay ng kanilang mga amo.

Bukod sa training center sa Dalian, mayroon pang isang training center para sa mga patnubay na aso sa Tsina, at ito ay matatagpuan sa lunsod ng Shanghai. Si Zhu Wenqi ay isa sa mga tagapagsanay ng Shanghai Guide Dog Association. Sinabi niyang, mula 2007, nakapagsanay na ng 16 na aso ang asosasyon, at ang numerong ito ay tataas pa sa 20 sa katapusan ng taong ito.

Sinabi ni Zhu, na ang inisyal na reaksyon ng publiko hinggil sa mga patnubay na aso ay negatibo. Ilan sa mga drayber ng bus ay sadyang nilalampasan o hindi pinasasakay ang mga taong may kasamang patnubay na aso. Ilang supermarket din ang hindi nagpapapasok ng mga patnubay na aso sa kanilang mga establisyemento. Kung ganito ang situwasyon, paano makakapamili ang isang bulag na tao, kung hindi niya kasama ang kanyang patnubay? Mga kalahati ng mga may-ari ng patnubay na aso sa Shanghai ay nagtatrabaho bilang masahista, at ang reklamo ng lahat sa kanila, ay hindi raw pinapapasok ang kanilang mga asong patnubay sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

Pero, sa pagtaas ng kamulatan ng publiko hinggil sa importansya ng mga patnubay na aso o guide dogs, tumataas din ang positibong reaksyon ng mga tao hinggil dito. At malaki ang naitulong ng pagsasapubliko ng bagong regulasyon ng pamahalaan hinggil sa mga guide dogs sa pagtaas ng kamulatang ito.

Sinabi naman ni Yi Wenqin, Direktor ng Job Center for Disabled People sa Shenyang, probinsya ng Liaoning, malaki ang maitutulong ng mga patnubay na aso sa pagpapabalik ng tiwala sa sarili ng mga may-kapansanan sa paningin, at sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan. Aniya pa, umaasa siyang maipapatupad na mabuti ang bagong regulasyon upang mabigyang proteksyon ang mga disadvantaged group na katulad ng mga bulag.

Mga kumare at kumpare, batid nating lahat na dapat lamang na pangalagaan natin ang kapakanan ng mga taong may-kapansanan, at iyan ay isang unibersal na katotohanan. Dito sa Tsina, kagaya rin sa Pilipinas at iba pang mga bansa sa mundo, nagsisikap ang pamahalaan upang ang mga negatibong reaksyon ng lipunan hinggil sa mga taong may-kapansanan ay mabago. Laging isinasaalang-alang ng pamahalaang Tsino ang kapakanan ng mga tinatawag na disadvantaged groups, at pinagpupunyagian nitong, sa kabila ng kanilang kondisyon, sila ay maging kapaki-pakinabang pa ring kasapi ng lipunan. Ang bagong regulasyon hinggil sa mga patnubay na aso ay isa sa mga alituntunin na mangangalaga sa kapakanan ng naturang mga may-kapansanan. Ang hakbangin pong ito ng pamahalaan ay tunay na kapuri-puri. Sana, sa hinaharap ay patuloy pa nating makita na dumami ang mga ganitong uri ng hakbangin.

 

 

 

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>