Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Bagyong Yolanda, patuloy na nananalasa sa bansa

(GMT+08:00) 2013-11-08 17:44:40       CRI

Bagyong Yolanda, patuloy na nananalasa sa bansa

Lima na ang nasawi, pito ang nasugatan sa initial reports

HIGIT sa 700,000 mga mamamayan mula sa iba't ibang bahagi ng silangan, gitna at kanlurang Kabisayaan, Mimaropa, Kabicolan at maging sa hilagang silangang Mindanao ang nagtungo sa may 581 evacuation centers.

Sa isang press briefing ng National Disaster Risk Reduction Management Council mula sa Campo Aguinaldo, nabatid na lima katao na ang nasawi at may pitong iba pa ang nasugatan.

Ayon sa mga balitang lumabas sa media, nabatid na may mag-amang nakuryente sa Calinog, Iloilo kaninang umaga samantalang inaayos ang kanilang tahanang napinsala ni "Yolanda." Ayon kay Mayor Alex Centena, ang mag-ama ay taga Barangay Alibunan. Ang anak ang unang nabalitang nag-ayos ng bubong. Namatay din ang ama nang tangkaing tulungan ang kanyang anak.

Sinabi ni Major Reynaldo B. Balido, Jr., tagapagsalita ng NDRMMC, isa ang nakuryente sa San Jacinto, Masbate samantalang may isa pang namatay sa Surigao City.

Isa ang nasawi sa Zamboanga ng tamaan umano ng kidlat.

Labing-dalawang paliparan ang isinara dahilan sa napakalakas bagyong "Yolanda" samantalang maraming cell sites ang napinsala sa Kabisayan. Ang mga ito ay ang mga paliparan ng Busuanga (Coron) sa Palawan, Masbate Airport, Romblon, Iloilo, Legazpi, Caticlan (Boracay), Surigao, Tacloban, Roxas, Kalibo, Dumaguete at Tagbilaran (Bohol).

Higit sa 3,000 katao ang stranded sa mga daungan sa apat na distrito ng Philippine Coast Guard. Mayroong 155 mga sasakyang-dagat, 707 rolling cargoes at 13 bangkang de motor ang hindi na pinayagang maglayag.

Tumama na sa kalupaan ang bagyo ng makalimang ulit. Naganap ang unang landfall sa Guiuan, Eastern Samar bago ng ikalima ng umaga kanina. Mag-iikapito ng umaga ng dumaan ang bagyo sa Tolosa, Leyte. Mga alas dies-cuarenta ng umaga ng dumaan ang bagyo sa Daanbantayan, Cebu. Katanghalian kanina ng tumama ang bagyo sa Concepcion, Iloilo. Nadama rin ang bagyo sa Cuartero, Capiz kaninang ala-una ng hapon na may pagbugsong hanggang 230 kilometro bawat oras.

Ang mga himpilan ng telebisyon at iba't ibang radyo ay nagpadala ng kanilang mga reporter sa mga pook na daanan ng bagyo upang magbigay ng real time reports. Sa mga pook na may kuryente at mayroon pang access sa internet at mobile phones, naging regular ang mga update at uploads ng netizens sa ngaganap sa kanilang pook. May mga larawang nagpapakita ng mga sasakyang natumba sa Ormoc, mga binahang pook sa Tacloban City sa Leyte.

Apektado na naman ang lalawigan ng Bohol na karamihan ng mga mamamaya'y naninirahan sa mga temporary shelters tulad ng mga tolda. May 350,000 katao ang apektado ng lindol na naganap noong ika-15 ng Oktubre.

Sa Lungsod ng Lucena, bagama't may kuryente pa ay napakalakas ng ulan at may mga pagbaha sa ilang bahagi ng pook. Ang mga aso'y ay hindi makali sa lakas ng hangin at buhos ng ulan kaya't inalis na muna ang kanilang tali.

Mararamdaman ang bahagi ng bagyong "Yolanda" sa Kamaynilaan mula ikalima ng hapon hanggang ika-anim na gabi sa pagdaan ng bagyo sa Mindoro island. Ito ang pinakamalakas na madarama sa Maynila na ngayo'y saklaw ng Signal No. 2.

Ayon sa mga dalubhasa, mas malakas si "Yolanda" kaysa sa bagyong Bopha na tumama sa Mindanao noong nakalipas na taon na ikinasawi ng may 900 katao.

Kagabi ay nanawagan na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa madla na mag-ingat, sumunod sa mga kautusan ng kinauukulan, umiwas sa kapahamakan at huwag mamili ng prime commodities ng higit sa kanilang kailangan upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

1 2
May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>