|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Todos los Santos, Araw ng mga Kaluluwa, payapang naidaos

BABAENG KALULUWA? Isang babaeng nakadamit kaluluwa ang nakita sa Libingan ng mga Bayani kamakalawa ng umaga. Nagbebenta siya ng memorial plans sa mga dumadalaw sa sementeryo. (Melo M. Acuna)
AMERICAN WAR MEMORIAL, PINAKAMALAKING LIBINGAN NG MGA KAWAL AMERICANO AT IBA PA. Makikita ang maganda at tahimik na libingan ng mga kawal na lumahok sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa New Guinea at Pilipinas. Mapupuno ang libingan sa Memorial Day sa susunod na linggo. (Melo M. Acuna)
MILYONG mga Filipino ang nagbigay-galang sa kanilang mga kamag-anak na namayapa na noong Sabado hanggang kahapon sa libu-libong mga himlayan o sementeryo.
Sa mga taga-Metro Manila, kailangang pumila ng matagal sa mga paliparan, sa mga bus terminal at mga daungan upang makauwi sa kanilang mga bayan sa mga lalawigang nasa Luzon, Kabisayaan at Mindanao.
Nagdala sila ng mga bulaklak at nagtirik ng mga kandila sa mga libu-libong mga libingan. Naging daan din ito upang magsama-sama ang mga magkakamag-anak, mga kaibigan at mga kakilala sa mga sementeryo.
Sa Metro Manila, milyon ang dumalaw sa kanilang mga mahal sa buhay sa Manila North Cemetery, Manila South Cemetery at maging sa mga pribadong libingan tulad ng Loyola Memorial Park, Manila Memorial Park at iba pa.
Ang isa sa mga mataong libingan ay ang Libingan ng mga Bayani na kinalalagyan ng mga labi ng higit sa 48,000 kawal na naglingkod mula noong Second World War hanggang sa Vietnam War at counter-insurgency operations. Dito rin nalalagak ang labi ng mga kawal na nasawi dahilan sa karamdaman at katandaan.
Sa libingang ito matatagpuan ang libu-libong mga kamag-anak ng mga yumaong kawal. Noong Sabado, kahit pa maraming ipinagbabawal na gawain, maihahambing sa isang malaking party o reunion ang naganap.
Ginamitan na ng computers ang talaan ng mga nakalibing upang matagpuan ng mga kamag-anak ang libing ng kanilang mahal sa buhay. Tampok ang mga krus na marmol na mula unti-unting itinayo ng pamahalaan ng bansa.
Sa Libingan ng mga Bayani nakita ang isang babaeng nakadamit kaluluwa na nagbebenta ng memorial plans.
Malapit lamang sa Libingan ng mga Bayani ang American War Memorial, ang huling hantungan ng mga kawal ng America, Pilipinas, Australia, Canada at iba pang naglingkod sa ilalim ng bandila ng Estados Unidos.
Ito ang pinakamalaking war memorial ng Estados Unidos. Ang mga kawal na nasawi ay naglingkod sa pakikidigma sa mga Hapon sa Papua New Guinea at sa Pilipinas. Pinangangasiwaan ito ng American Battle Monuments Commission.
Ang American War Memorial ay may sukat na 61 ektaryang katatagpuan ng mga krus at Star of David na gawa sa marmol na mula sa Italya. Mayroong 17,201 mga kawal nakalibing sa memorial at mayroon ding 36,285 na missing in action. Pinasinayaan ito noong 1960.
Sa war memorial na ito, tila tumitigil ang panahon sapagkat napakatahimik at napakalinis ng kapaligiran.
Nagiging matao ang pook sa pagdiriwang lamang ng Veterans Day sa bawat ika-11 ng Nobyembre na pagkakataon upang parangalan ang lahat ng naglingkod noong nakalipas na digmaan.
Kaninang umaga ay naranasan ang mahigpit na trapiko sa North at South Luzon Expressways dahilan sa pagdagsa ng mga biyahero pabalik sa Metro Manila. Nagsimula na rin ang Second Semester sa School Year 2014-2015.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |