|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
MERS – Corona Virus, nakarating na sa Pilipinas

CONTACT TRACING, KAILANGAN. Ito ang sinabi ni Dr. Teodoro Herbosa upang mapangalagaan ang bansa at mga mamamayan sa MERS-Corona Virus na natagpuan sa isang nurse na galing sa Saudi Arabia kamakailan. Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Herbosa na kailangang alamin ang kalagayan ng mga taong nakasama at nakadaupang-palad ng may karamdaman. Hindi na kailangan pang suriin ang mga nakasakay sa eroplano kung wala naman sintomas ng karamdaman. (File Photo/Melo M. Acuna)
NARARAPAT hanapin ng pamahalaan ang mga taong nakausap at nakadaupang palad ng isang nurse na napatunayang nagtataglay ng Middle East Respiratory Syndrome – Corona Virus upang maiwasan ang pagkalat nito.
Kailangang gawin ang contact tracing sa mga taong nakasama ng may karamdaman ng magkaroon siya ng mga sintomas at komunsulta sa isang pagamutan bago siya nadala sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City.
Ayon kay Dr. Teodoro Herbosa, nararapat alaman ang kalagayan ng mga taong nakasama niya sa tahanan, sa isang hindi pa inihahayag na pagamutan, mga pasyente sa emergency room, mga narses at mga manggagamot na dumalo sa kanya.
Iminungkahi ni Dr. Herbosa, kamakaila'y undersecretary sa Department of Health, na ang mga pasahero ng Saudia Airlines na nakasakay ng nurse at ng kanyang mister ay kailangan lamang masuri kung mayroon silang sintomas ng karamdaman.
Hindi birong sumailalim ng Polymerase Chain Reaction test na siyang maghahayag kung mayroon ngang MERS-Corona Virus ang isang pasyente. Nagkakahalaga ang pagsubok ng humigit-kumulang sa P 5,000.
Upang masabi na may epidemya, maryoong nakatakdang case reproduction rate tulad na Ebola na mayroong sa bawat may karamdaman nito, dalawa ang posibleng magkaroon ng Ebola.
Sa kaso ng MERS-Cov, posibleng magkaroon ng walo hanggang 16 katao ang magkakaroon ng karamdamang ito sa bawat taong may sakit. Isang pasyenteng mauubo sa loob ng isang emergency room, malalanghap ng ibang tao ang virus sa layong anim na talampakan.
Mas mataas ang bilang ng mga nasasawi sa oras na magkaroon ng MERS-Cov sapagkat hindi lamang baga ang naapektuhan. Tinatamaan din ng karamdaman ang kidneys ng pasyente.
Mas malala ang MERS –Cov kaysa sa SARS na pinangambahan. Ipinaliwanag pa ni Dr. Herbosa na sa 900 nabalitang nagtaglay ng karamdamang ito, may 300 katao ang nasawi kaya't maliwanag na 30% ng mga nagkasakit ang masasawi sa loob ng madaling panahon.
Latent period, ang panahon na mayroong kang impeksyon kahit wala kang sintomas. Tatagal ng tatlo hanggang apat na araw bago madama ang sintomas. Sa Ebola, walang latent period, kailangan mo ng sintomas.
Nagmula ang karamdamang ito sa mga paniki na nailipat sa mga kamelyo hanggang sa makarating sa tao. Ang nakakatakot, ayon kay Dr. Herbosa ay kung makahawa ang isang tao sa kanyang kapwa.
Sa oras na mabatid na may karamdamang MERS-Cov ang isang tao, kailangan siyang sumailalim ng kwarantina ng may 14 na araw.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |