|
||||||||
|
||
"Hindi solusyon ang digmaan," sabi ni dating Pangulong Ramos
HINDI kailanman solusyon sa sigalot ang digmaan. Ito ang buod ng mensahe ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa idinaos na ika-70 anibersaryo ng "Battle for Manila" na ikinasawi ng higit sa 100,000 katao.
DIGMAAN, DI KAILANMAN SOLUSYON. Ito ang sinabi ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa idinaos noong Sabado sa paggunita ng ika-70 taon ng "Battle for Manila" na ikinasawi ng higit sa 100,000 katao. Ani G. Ramos, dalangin niyang huwag nang mauulit ang digmaan sapagkat malaking pinsala sa buhay at ari-arian ang nagaganap sa bawat sagupaan. Bagama't naka-Barong Tagalog ang dating pangulo, hinubad niya ito at isinuot ang isang beret at t-shirt ng Special Action Force bilang pagkilala sa 44 na tauhang napaslang sa Maguindanao kamakailan. (Melo M. Acuna)
Nagsalita si dating Pangulong Ramos sa harap ng bantayog na may pangalang Memorare bilang paggunita sa pinakamadugong bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ani G. Ramos, kahit siya na noo'y nasa second year high school sa Pamantasan ng Pilipinas, ay nawalan ng mga kamag-anak, kaibigan at mga kapitbahay sa walang-habas na paggamit ng machine gun ng mga kawal Hapones at pambobomba ng mga eroplanong Amerikano sa Maynila at mga kalapit-pook.
Nararapat lamang ipagpatuloy ang paggunita sa masamang dulot ng mga digmaan. Idinagdag pa niyang dapat lamang magkaisa ang mga mamamayan ng daigdig at magtulungan upang matupad ang mithing kaunlaran at kapayapaan ng karamihan.
Sinimulan ni G. Ramos ang kanyang talumpati suot ang isang barong tagalog subalit pinalitan niya ito ng beret at t-shirt ng Special Action Force na may nakalarawang Fallen 44 – bilang pagpaparangal sa mga nasawing kabilang sa Special Action Force na napaslang sa Mamasapano sa pakikipaglaban sa pinagsanib na Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters noong nakalipas na ika-25 ng Enero sa Maguindanao.
Umabot sa 1.1 milyong Filipino ang nasawi noong Second World War mula sa populasyong 17 milyon.
Nanawagan siya sa mga kabataang suriin ang kasaysayan ng bansa upang huwag nang maranasan pa ang mapait na naganap noong mga nakalipas na digmaan.
Ani G. Ramos, kailangan ng daigdig ang mga pinunong may pananaw at kakayahan. Binanggit niya sina David Cameroon ng United Kingdom na 43 taong gulang pa lamang, si Angela Merkel ng Alemanya na 55 taong gulang pa lamang at nanungkulan na sa nakalipas na sampung taon sa isang coalition government.
Dalangin umano ng dating pangulo na maganap din ang nagaganap sa United Kingdom at sa Alemanya sa Pilipinas.
Sa panig ni dating Ambassador Juan Jose Rocha, pangulo ng Memorare Manila Foundation, wala silang hinihiling sa Japan kungdi gunitain at kilalanin ang kanilang ginawa sa Pilipinas. Wala umano silang hinihiling na kabayaran.
Nasawi ang kanyang ina sa pambobomba samantalang nasawi ang kanyang mga kamag-anak sa masaker na naganap sa Maynila.
"Isang impiyerno ang digmaan," dagdag ni G. Rocha at nakaligtas siya sa 28 araw na impiyerno sa Maynila. Nasaksihan umano niya ang panghahalay na ginawa ng mga kawal na Hapones sa mga kababaihan at ang walang awang pagpaslang sa kanila.
Sa kanyang pagtatapos, nanawagan siya sa pamahalaan ng Japan na huwag na huwag pagtatangkaang baguhin ang kasaysayan. Nagawa na ng Alemanya ang pagkilala sa kanilang mga nagawa kaya't magagawa rin ito ng Japan.
Ayon kay G. Rocha, isang Japanese ambassador ang lumahok sa kanila at nag-alay ng mga bulaklak at humingi ng paumanhin sa naganap mga ilang taon na ang nakalilipas.
Sinabi naman ni Professor Kayuza Asakawa ng Bridge for Peace, interesado silang malaman ang mga naganap noong nakalipas na Ikalawang Digmaang Pangdaigdig. Hindi sapat na mabatid ang kasaysayan sapagkat kailangan ding maunawaan ang mga naganap upang maituwid ang kailangang mabago.
Nakipag-usap na sila sa mga kawal na ipinadala sa Pilipinas at ganoon din sa mga naging biktima na madugong digmaan. Nagkaisa sila sa kanilang samahan na hindi na kailangang maulit pa ang karahasang naganap dulot ng digmaan.
MGA KASAPI NG DIPLOMATIC CORPS SUMAKSI SA PAGGUNITA. Pinangunahan ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg at Swiss Ambassador Ivo Steiber ang mga kasapi ng diplomatic corps sa paggunita sa ika-70 anibersaryo ng "Battle for Manila." (Melo M. Acuna)
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga kasapi ng diplomatic corps sa pangunguna ni US Ambassador Philip Goldberg at Swiss Ambassador Ivo Seiber.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |