May 5,800 public schools, mag-aalok ng Senior High School sa susunod na taon
KINILALA ng Department of Education ang may 5,800 mga paaralang bayan na mag-aalok ng senior high school sa buong bansa sa 2016 bilang bahagi ng paghahanda sa pagpapatupad ng K+12 program.
Ayon sa isang pahayag, sinabi ni Bro. Armin Luistro, Kalihim ng Edukasyon na sa nakalipas na ilang taon, nagtutulungan ang mga tauhan ng kagarawan at mga pinuno ng mga komunidad, punongbayan at punong lalawigan at iba pang sektor para sa pagpapatupad ng senior high school.
Kabilang sa kinilala ang mga pook na mapagtatayuan ng mga gusali, mga mungkahi ng mga guro at mga magulang upang higit na mapaghandaan ang bagong palatuntunan.
Idinagdag pa ni Bro. Luistro na isa sa mga susi sa paghahanda ay ang pagtatapos ng Junior High School o Grade 10 na kailangang may mapupuntahang paaralan para sa Grade 11. Tiniyak pa ni Bro. Luistro na walang anumang bayan ang hindi magkakaroon ng senior high school.
Sa maliit na bayan ng Tiwi sa Albay, may tatlong paaralan ang DepEd na mag-aalok ng senior high school. Ang bayan ng Daraga ay magkakaroon ng walong DepEd senior high schools samantalang may limang pribadong paaralan ang mag-aalok din ng senior high school.
1 2 3 4 5 6 7