Sa tuwing magbubukas tayo ng radyo, telebisyon, mag-sa-surf sa internet, at magbabasa ng diyaryo, madalas nating makita ang mga sakunang nangyayari sa ibat-ibang dako ng daigdig, mga digmaan, mga di-inaasahang kaganapan at marami pang iba. Ang mga ito ay lumilikha ng maraming kahirapan sa buhay ng mga mamamayan; pagkawala ng buhay at ari-arian, pagkagutom; sakit; at marami pang iba. Kaya naman, maraming organisasyong pangkawanggawa ang naitayo upang tulungan ang mga taong apektado ng mga kaganapang nabanggit. Nariyan ang maraming sangay ng United Nations (UN), World Health Organizations (WHO), Red Cross, mga Non-government Organization (NGO), at marami pang iba. Sa Pilipinas, tuwing magkakaroon ng baha, bagyo, lindol, at mga katulad na sakuna, makikita ang mga organisasyong ito na nagkukumahog upang tulungan ang ating nangangailangang mga kababayan. Dito po sa Tsina, maliban sa mga organisasyong nabanggit natin, mayroon pang isang taong may ginintuang kalooban na gumagawa ng pagtulong sa kapuwa: hindi po siya Tsino, kundi taga-Timog Aprika. Ayon sa kanya, "I love charity, because I work with kids, I work with women I really believe in that. And I think I'll continue to do it even when I'm done here in Shanghai." Bilang asawa ng South African Consul-General sa Shanghai, nagpunta sa Tsina si Busisiwe Thage 3 taon na ang nakakaraan. Maliban sa kanyang papel bilang sandigan ng kanyang asawa sa pagpo-promote ng South African culture at pagpapalakas ng relasyong pangkaibigan ng Tsina at Timog Aprika, siya rin ay tinatawag na Lady Charity dahil commited po siya sa pagtulong sa mga lokal na Chinese charities. Ito aniya ay alinsunod sa kanyang passion upang tulungan ang mga taong nangangailangan, saan man sila naroroon. Narito po ang kanyang kuwento.