|
||||||||
|
||
Melo 20170703
|
Special Report
Potensyal ng kapayapaan sa bansa, maganda
MAY MGA NAIS MANABOTAHE SA PAG-UUSAP NG PAMAHALAAN AT NDF. Sinabi ni Government Negotiator Secretary Hernani Braganza (kaliwa) na mayroong nagnanais manabotahe sa potensyal ng pagkakasundo ng pamahalaan at National Democratic Front. Ito ang kanyang ipinaliwanag sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Sumang-ayon naman si G. Rey Casambre,(kanan) ang executive director ng Philippine Peace Centre na consultant ng National Democratic Front sa negosasyong pangkapayapaan. (Melo M. Acuna)
MALAKI ang pagkakataong magkasundo ang pamahalaan ng Pilipinas at ang National Democratic Front sa pagpapatuloy ng pag-uusap pangkapayapaan. Sinabi ni dating Agrarian Reform Secretary Hernani Braganza na bumagal man ang pag-uusap sa pagitan ng magkabilang panig ay umaasa siyang mapapabilis ito.
Sa idinaos na ika-apat na anibersaryo ng "Tapatan sa Aristocrat," sinabi ni G. Braganza na nag-usap na kagabi sina GPH negotiator Labor Secretary Silvestre Bello III at NDF negotiator Fidel V. Agcaoili at nagkasundong mamadaliin ang mga pag-uusap.
Limang dekada na ang nakalipas nang magsimula ang paghihimagsik ng mga guerilyang kabilang sa New People's Army, limang pangulo na ang namuno sa bansa at pang-anim na si Pangulong Rodrigo Duterte samantalang unang pinag-usapan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms may 15 taon na ang nakalilipas.
Ipinaliwanag pa ni G. Braganza na sa ilalim ng isang taong panunungkulan ng Duterte Administration, marami nang nagawa sa pakikipag-usap sa kinatawan ng mga maka-kaliwa. May tatlong mahahalagang paksang nararapat pagkasunduan at ito ang CASER, ang pagbabago sa Saligang Batas at ang pagtatapos ng pagsasagupaan ng magkabilang panig.
Inamin din niyang mayroong mga tao at samahang nagnanais na huwag magtagumpay ang peace process sa dahilang nasaktan, taliwas sa kanilang paniniwalang politikal at maaaring kumikita sa larangan ng digmaan.
Ang negosasyon na lamang sa CPP/NPA/NDF ang nalalabing bukas sapagkat tapos na ang sa Moro National Liberation Front at Cordillera People's Liberation Army at tanging pagpapatupad na lamang ng nilalaman ng kasunduan ang nararapat gawin ng pamahalaan.
Sa panig ni Rey Casambre, executive director ng Philippine Peace Center, nais din nila at ng National Democratic Front ng kapayapaan. Niliwanag niyang kahit tapos na ang usapan sa pagitan ng pamahalaan at MNLF at iba pang grupo, may nagaganap pa ring manaka-nakang mga sagupaan.
Naniniwala siya at ang kanyang samahan na kakaiba ang pamamalakad ni G. Duterte at ang pagsasaayos ng kabuhayan ng mga mamamayan ang pinaka-puso ng usaping pangkapayapaan. Marapat lamang na lutasin ang ugat ng pakikibaka ng mga mamamayan, dagdag pa ni G. Casambre.
Angkop din ang sinabi ni G. Duterte na hindi matatapos ang mga problema sa Mindanao kung hindi maitutuwid ang mga pagkakamali ng kasaysayan. Inamsa ni G. Casambre na mayroong mga taong naghahangad na masiphayo ang layuning makamtan ang kapayapaan sa bansa. Nakiisa rin ang National Democratic Front sa pagkakaroon ng limitadong ceasefire na pagsiklab ng kaguluhan sa Marawi City.
Para kay G. Braganza, ang nilalaman ng mga kasunduang nalagdaan ng pamahalaan sa MNLF at CPLA ay ipinatutupad na ng pamahalaan, Niliwanag niyang hindi lamang naman ehekutibo ang pamahalaan sapagkat mayroon pang lehislatura at hudikatura. Maganda ang nilalaman na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain o MOA-AD subalit hindi ito pumasa sa Korte Suprema.
Ang mga rebolusyunaryo ay mayroong mga ipinaglalaban samantalang ang mga terorista ay walang layunin kungdi maghasik ng lagim. Maliwanag ang tayo ng NDF sapagkat nais nila ng economic reforms na ito rin ang pananaw ng pamahalaan, sa pagkakaroon o kawalan ng peace talks basta't isinusulong ng pamahalaan ang mga isyu ng mga maka-kaliwang grupo.
May mga sinusunod na amo ang GPH at NDF at ang mga ito ay ang kanilang mga prinsipal, sa panig ng mga negosyador ng pamahalaan ay nagmumula sa ehekutibo ang direksyon samantalang sa NDF ay nagmumula sa kanilang mga samahang nasa Pilipinas.
Nag-alok ang NDF ng unilateral ceasefire bago pa man naluklok si Pangulong Duterte sa Malacanang. Sinundan naman ito ng pamahalaan kaya't nagkaroon ng tigil putukan sa panig ng pamahalaan at ng NDF. Sa sumunod na limang buwan mula noong Agosto ng 2016 ay walang anumang nabalitang kaguluhan sa pagitan ng mga NDF at ng pamahalaan.
Sapagkat unilateral ang ceasefire, walang paraan upang mabantayang mabuti ang nagaganap sa kanayunan, dagdag pa ni G. Braganza na nasangkot na sa peace negotiations mula pa noong 2001.
Naniniwala naman si dating Defense Undersecretary Antonio Santos, Jr. na kailangang suriing mabuti ang pinagmumulan ng kaguluhan. Ipinaliwanag niyang hindi sasapat ang paglutas sa problema sa ekonomiya sapagkat maraming pinagmumulan ang kaguluhan. Sapagkat ang National Democratic Front ay walang istrukturang tulad ng Armed Forces of the Philippines, hindi madaling magpatupad ng kautusan. Ipinaliwanag pa niyang kung ang Armed Forces of the Philippines ay mayroong istruktura ng liderato, may mga hindi pa sumusunod sa direktiba.
Naniniwala siyang hindi magkakaroon ng peace agreement sa tatlong taon. Hindi rin ito magaganap sa loob ng panahon ni Pangulong Duterte na magwawakas sa taong 2022. Ang pinakamagandang magagawa ng Duterte administration ay ang pagkakaroon ng sandigan para sa matagalang kapayapaan. Nararapat malutas ang mga problema sa iba't ibang antas ng lipunan, dagdag pa ni General Santos.
MALIWANAG ANG DIREKSYON NG PAMAHALAAN. Sinabi ni Asst. Secretary Dickson Hermoso (gitna) na malaki ang pag-asang magtatapos ang mga kasunduan at maipatutupad ang mga nilalaman nito upang pakinabangan ng mga mamamayan. Si Col. Hermoso ang nangangasiwa sa larangan ng seguridad sa tanggapang pinamumunuan ni Peace Adviser Jesus Dureza. Na sa kaliwa si dating Defense Undersecretary Antonio Santos Jr. (Melo M. Acuna)
Para kay Asst. Secretary Dickson Hermoso, ang peace negotiations ay isa lamang sa mga paraan upang malutas ang problema ng bansa. Mayroon pang problema sa kawalan ng sapat na kaalaman ng mga mamamayan, kahirapan, kawalan ng katarungan, lumalawak na pagitan ng mayaman at mahirap at ang epekto ng droga kasabay ng paglaganap ng extremism at terorismo.
Kahit pa lumagda ng maraming dokumento ang pamahalaan at NDF, ang mas malaking hamon ay kung paano maipatutupad ang mga nilalaman ng kasunduan. May kasunduan na sa MNLF noon pa mang 1996 subalit nagkaroon ng Moro Islamic Liberation Front at 'di nagtagal nagkaroon ng Bangsamoro Freedom Fighters.
BATID NI PANGULONG DUTERTE ANG PROBLEMA NG BANSA. Sinabi ni Professor Richard Heydarian na mapalad ang Pilipinas na si Pangulong Duterte ang na sa poder sapagkat batid niña ang problema ng bansa tulad ng Mindanao. Ani Prof. Heydarian, dapat matapos ang isapan sa loob ng susunod na dalawang taon sapagkat nakaabang ang mga kontra sa peace talks at magsasabing sayang ang panahon at yaman ng bansa sa pakikipag-usap. (Melo M. Acuna)
Inamin ni Professor Richard Heydarian na kailangang mabatid ng magkabilang panig ang kani-kanilang kakayahan at hangganan. Ani G. Heydarian, paano makukumbinse ng pamahalaan ang mga mamamayan na magtiwala sa mga makakaliwa samantalang hamon din sa mga NDF kung paano makukumbinse ang mga kasapi nitong magpatiwalaan ang pamahalaan. Makalulusot ba ang nilalaman ng kasunduan sa lehislatura at hudikatura? Paano tatratuhin ang mga nagnanais manabotahe ng peace process?
Sa larangan ng isyu sa South China Sea, nararapat mabatid ni Pangulong Duterte ang kanyang hangganan tulad rin ni Pangulong Xi Jinping at kung paano matatanggap ng mga mamamayan ang makabagong kaisipan ng kani-kanilang mga pinuno. Magkasundo man ang magkabilang panig, paano tatratuhin ang mga nagnanais na huwag magkasundo ang Tsina at Pilipinas, dagdag pa ni G. Heydarian.
Mabuti at batid ni Pangulong Duterte ang suliranin ng Mindanao. Subalit may posibilidad na hindi mapagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang peace talks sapagkat nakatuon ang programa sa droga.
Napapanahong matapos ang usapan sapagkat tama ang pagkakaluklok ni Pangulong Duterte sa Malacanang sapagkat nauunawaan niya ang problema ng bayan. Kung hindi makakamtan ang kapayapaan sa loob ng dalawang taon, magwawagi ang mga nagnanais na huwag magtagumpay ang peace talks, dagdag pa ni Professor Heydarian.
Sa larangan ng mga Muslim, nagkakaproblema ang mga pinuno ng MILF sapagkat nawawalan sila ng kontrol sa mga kasapi mula sa bilang na 12,000. Nabalitang may 300 hanggang 400 mga MILF ang nakipag-alyado na sa Maute. Marahil nawalan ng loob ang ilang mga kasapi ng MILF na walang patunguhan ang Bangsamoro Basic Law mula noong panahon ni Pangulong Aquino.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |