Mahigit 16.11 milyon, kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa mundo; Pangulong Duterte, may kompiyansa sa pagtaas ng kakayahan ng Pilipinas sa pagsusuri sa coronavirus

(GMT+08:00) 2020-07-28 15:56:15       CRI2020-07-28 15:56:16

254, 274 ang bagong naitalang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo ayon sa real time data ng World Health Organization (WHO), hanggang alas-10 Central European Time (CET) ng Lunes, Hulyo 27, 2020.

Umabot na sa 16,114,449 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa daigdig, at 646,641 ang pumanaw.

Dahil sa kalagayan ng pandemiya ng COVID-19 sa loob ng Pilipinas, sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) kahapon, muling nanawagan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas sa mga mamamayan na magkoordinahan, upang magkasamang puksain ang pandemiya. Aniya, lipos siya ng kompiyansa sa pagtaas ng kakayahan ng bansa sa pagsusuri sa coronavirus. Iniharap din niya ang target na gawin ang 1.4 milyong pagsusuri sa buong bansa bago ang katapusan ng Hulyo.

Ayon sa pinakahuling datos na isinapubliko ng Ministri ng Kalusugan ng Biyetnam nitong Lunes, 11 ang bagong naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa sa araw na ito, at ang lahat sa kanila ay galing sa Da Nang sa gitna ng bansa.

Nag-tweet naman kahapon si Pangulong Joko Widodo ng Indonesia na ang puspusang paglaban sa pandemiya ay priyoridad ng kanyang pamahalaan sa kasalukuyan. Aniya, bago malawakang iprodyus ang mabisang bakuna, dapat buong lakas na magpunyagi ang pamahalaan upang harapin ang ganitong krisis.

Salin: Vera