Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Sining ng mga sinaunang Tsino

(GMT+08:00) 2017-01-19 10:56:24       CRI

Ngayon araw, patuloy naming isasalaysay sa inyo ang hinggil sa kultura ng sinauang Tsina, at ang episode na ito ay magpopokus sa sining ng Tsina. Alam nyo ba kung ano ang Chime? Narinig nyo na ba ang tungkol sa kaligrapiya ng Tsina? Lahat iyan ay ikukuwento namin sa inyo sa episode na ito.

Ang Yin Yue o musika ng Tsina ay nagmula sa kalikasan.Ang tunog ng ihip ng hangin sa mga punong-kahoy, paghuni ng mga ibon, at dumadaloy na tubig ang mga inspirasyon ng Yin Yue ng Tsina.

Xun

Ang Xun, isang sinaunang hugis itlog na instrumentong gawa sa luwad ay kayang gayahin ang tunog ng ihip ng hangin sa pamamagitan ng pag-ihip sa mga butas nito. Ang plawtang buto, na ginawa walong libong taon na ang nakakaraan ay kaya ring gumaya ng tunog ng kalikasan. Ayon sa mga arkeolohikal na pananaliksik, may isang daan at dalawampu't limang instrumento sa pribadong orkestra ng isang dugong bughaw, mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan. Maraming kategorya ang bumubuo sa Yin Yue ng Tsina, ang ilan ay may kasamang modernong elemento.Gayunman, ang natural na kagandahan ng Yin Yue ng Tsina ay matatagpuan sa mga klasikong estilo, gayundin sa mga modernong komposisyon.

Bian Zhong

Ang Bian Zhong o chime ang pinakamarilag at banal na sinaunang instrumento ng Tsina. Bilang simbolo ng kapangyarihan, ito ay ginamit sa mga sakripisyal na seremonya at iba pang mahahalagang seremonya, magmula tatlong libo't limang daan taon ang nakakaraan. Ang Bian Zhong ay binubuo ng mga kampanilyang may ibat-ibang iskala. Pinatutunog ang mga kampanilya sa pamamagitan ng pagpukpok ng malyete, na lumilikha ng pitong musikal na iskala, na tulad ng piyano. Ang mas kamangha-mangha pa, ang isang kampanilya ay maaring makalikha ng dalawang nota kapag pinukpok sa magkaibang bahagi.

Ang narinig ninyo ay musika ng chime. Bukod diyan, may isa pang katangi-tanging musikal na instrumentong Tsino——Gu Qin.

Ang Gu Qin ang modernong pangalan ng pitong istring na musikal na instrumentong Tsinong kabilang sa pamilya ng zither. Mula sinaunang panahon, tinutugtog na ito, at tradisyonal na paborito ng mga iskolar at mga nakapag-aral bilang instrumento ng dakilang kapitaganan at kapinuhan. Na-u-ugnay sa sinaunang pilosopong si Kompyusiyus, ang Gu Qin ay isang instrumentong tinutugtog sa mapayapang kapaligiran. Kinakatawan nito ang karunungan, talento at emosyon.

Mayroon ding isang magandang kuwento hinggil dito.Noong sinaunang panahon, habang ang isang tao ay tumutugtog ng Gu Qin, isang magtotroso ang nakarinig ng tunog nito, at sinabi niyang "naramdaman ko ang mga bundok at ilog sa musika.

Masaya ang manunugtog dahil naintindihan ng lalaki ang nasa kaibuturan ng kanyang puso,at sila ay naging magkaibigan.

Ang katawan ng Gu Qin ay gawa sa kahoy at ang mga istring ay gawa sa seda. Ang pagtugtog ng Gu Qin sa isang eleganteng kapaligiran ay nagbabalik sa mga tao sa kalikasan. Ang pagtugtog ng Gu Qin ay nakapaglilinis ng kaluluwa. Kinakatawan nito ang karunungan, talento at emosyon. Noong 1977, pinatugtog mula sa mga spacecraft na Voyager 1 at Voyager 2 sa kalawakan ang recording ng "Dumadaloy na Tubig," isang klasikong tugtog ng Gu Qin.

Ok, narito ang mga kaalaman hinggil sa Beijing Opera at sayaw ng Tsina. Ang Jing Ju o Opera ng Beijing ay isang sinaunang sining ng pagtatanghal na may dalawang daang taong kasysayan. Ang Jing Ju ay may apat na papel, ayon sa ibat-ibang pagkakakilanlan at persona. Ang mga liriko ng Jing Ju ay binibigkas sa pamamagitan ng pagkanta o ritmikong pagsasalita, na sinasaliwan ng ilampung instrumentong musikal. Magpahanggang ngayon, marami pa ring Tsino at dayuhan ang naaakit ng Jing Ju dahil sa taglay nitong panghalina.

Mga limang libong taon na ang nakakaraan, ipininta sa mga banga, palayok at paso ng Tsina ang mga eksena ng Wu Dao o pagsasayaw. Sa panahong iyan, ang mga tao ay nagsasayaw sa mga seremonya upang sumamba.Mga dalawang libong taon na ang nakakaraan, isa sa mga asawa ng hari ang nakakapagsayaw sa ibabaw ng bandeha sa imperyal na palasyo. Napakagaan niyang magsayaw, na parang maaari na siyang lumipad kapag umihip ang hangin. Ayon sa alamat, pinasayaw ng isang emperador ang kanyang mga sundalo pagbalik niya sa matagumpay na pakikibaka. Makapangyarihan at masigla ang kanilang sayaw. Nagsasayaw din ang mga mamamayan tuwing may pestibal, selebrasyon ng pag-ani, at kasalan. Makikita ang maraming estilo ng Wu Dao sa Tsina, isang bansa na binubuo ng maraming etnikong grupo. Pinaliliit ng Wu Dao ang distansya sa pagitan ng mga tao.

Ang Shu Fa o kaligrapiyang Tsino ay tumutukoy sa sining at pamamaraan ng pagsulat gamit ang mga brotsa. At ang mga gamit para sa kaligrapiya ay pareho sa tradisyonal na pintang Tsino.

Mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan, bumalik mula sa pangangaso ang isang heneral at nagkaroon siya ng magandang ideya para sa buntot ng kuneho. Pinutol niya ang buntot at ikinabit sa manipis na piraso ng kawayan: ito ang simula ng panulat na brotsa. Ang hawakan ng brotsa ay gawa sa kawayan o buto. Ang brotsa ay gawa naman sa mga buhok ng tupa, kuneho o lobo. Di-tulad ng ibang gamit-panulat, mahirap magsulat gamit ang malambot na panulat na brotsa na tinatawag na Mao Bi sa wikang Tsino. Ang pagsulat ng Han Zi gamit ang malambot na Mao Bi ay kumakatawan sa oriental na pilosopiya. Ito'y itinuturing na paraan ng paglinang ng kaisipan at kalikasan, at malawakang ginagamit ng mga iskolar na Tsino. Ang pagsulat ay naging sining na tinatawag na kaligrapiya dahil sa pagsilang ng Mao Bi. Ang Mao Bi ay kaibigan ng mga iskolar na Tsino, na kanilang gamit sa paggawa ng mga talaan ng kanilang karunungan at katangian.

Isang libo't animnaraang taon na ang nakakaraan, isang batang lalaking nagngangalang Wang Xizhi ang mataimtim na nag-aral ng kaligrapiya. Hinuhugasan niya ang kanyang mga panulat na brotsa sa isang lawa at ang lawa ay naging kulay itim. Di-naglaon, siya ay naging isang kilalang kaligrapo sa Tsina. Ang mga panulat na brotsa, tintang Tsino, papel, at lalagyan ng tinta ay ang mga saligang pangangailangan para sa kaligrapiya.

 

Ang wastong paghawak sa mga panulat na brotsa at pagpapanatili ng tamang anggulo sa dulo ng brotsa at papel ay kailangan. Ang estruktura ng indibiduwal na karakter at pangkalahatang pakaka-ayos ay kapuwa mahalaga. Maraming obra maestrang nilikha ang mga kaligrapo, na nagpasalin-salin sa hene-henerasyon. Isa sa mga obra maestrang ito ay ang Orchid Pavilion na kinatha ni Wang Xizhi. Ang Shu Fa ay kumakatawan sa astetikong panlasa at pilosopiya ng mga iskolar na Tsino.

Ipinakikita ng mga kulay pula, berde, itim, puti; mariin at magaang pagguhit; wastong paghahalo sa dami ng tinta at tubig na nagbibigay ng tuyo at basang pagbabago ng imahe sa papel ang mga misteryo ng tradisyonal na pintang Tsino. Ang tradisyonal na pintang Tsino ay gumagamit ng mga teknik na katulad ng sa kaligrapiya, at nagagawa sa pamamagitan ng brotsa na isinasawsaw sa tintang kulay itim o iba pang kulay. Ang mga kagamitang kailangan ay; pansulat na brotsa, itim na tinta, may kulay na tinta, papel na Xuan,Xuan Zhi, at seda. Ang katigasan at kalambutan ng brotsa, pagkamasipsipin ng papel, at kulay ng tinta ang nagpapasiya sa hitsura ng Guo Hua. Tubig, tinta at mga linya ang mga pinaka-esensyal na bahagi ng Guo Hua. Di-tulad ng kanluraning pinta, ang Guo Hua ay di-gumagamit ng teknik ng tatlong dimensyon o realismo. Sa halip, gamit dito ang walang-katulad na teknik na may pagtinging-Tsino. Karaniwang nakaugnay ang mga pintang Tsino sa mga tula. Kung naiintindihan mo ang Guo Hua, mas mabuti mong mauunawaan ang mga Tsino.

 

May Kinalamang Babasahin
spt
v Alamat at imbensyon ng mga sinauang Tsino 2017-01-12 18:20:51
v Kabundukan ng Tai o Taishan 2016-12-19 10:50:06
v Kabundukan ng Huangshan, Tsina 2016-11-28 10:24:19
v Hangzhou, Paraiso sa Lupa 2016-10-31 11:00:17
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>