|
||||||||
|
||
melo/20130822.m4a
|
MALAKING LEKSYON ANG NAGANAP NA HOSTAGE CRISIS NOONG 2012. Mula noong 2010, nagkaroon ng pagbabago ang pulisya sa pagtugon sa mga hostage crisis, ayon kay Sr. Supt. Reuben Theodore C. Sindac, tagapagsalita ng Philippine National Police sa isang panayam. Pinag-balikaralan ang mga pagkukulang noong naganap na krisis na ikinasawi ng walong Hong Kong nationals at ng hostage taker na isang suspendidong pulis. (Melo Acuna)
BUKAS ang ikatlong anibersaryo ng madugong Manila hostage crisis na ikinasawi ng walong turistang mula sa Hong Kong at ng hostage-taker na isang suspendidong pulis. Dalawampu't isang turista ang binihag ng hostage-taker. Na-hostage din ang tsuper at tour-guide subalit nakatakas din.
Tumagal ng sampung oras ang insidente at hanggang ngayo'y isang mapait na karanasan ang nasa puso ng mga naulilang kamag-anak na naghihintay ng paghingi ng paumanhin ng pamahalaan ng Pilipinas at pag-aalok ng anumang kompensasyon.
Naunang humingi ng paumanhin si dating Pangulo at ngayo'y punong lungsod Joseph Ejercito Estrada ng Maynila ayon sa balitang lumabas sa media. Hindi umano tapat ang paghingi ng tawad ni G. Estrada ayon sa isang biktima. Huli na ang paghingi ng tawad.
Sa panig ng pulisya, sinabi ni Sr. Supt. Reuben Theodore C. Sindac, tagapagsalita ng Philippine National Police, malaking leksyon para sa kanila ang naganap noong 2010.
Sa isang panayam sa kanyang tanggapan sa Campo Crame, sinabi ni Sr. Supt. Sindac na kanilang nabatid ang kanilang pagkukulang at nakita na rin ang mga suliraning bumabalot sa kakayahan ng pulisyang tumugon sa emerhensya.
Ipinaliwanag niya na sa oras na mabatid ang suliranin, halos kalahati na ang kailangang solusyon. Sa pagsusuri ng Post Critical Incident Management Committee, naging mahina ang pulisya sa pakikipag-ugnayan sa hostage-taker. Nagkaroon pa ng mga pagkakataong lalong uminit ang hostage-taker.
Kulang din umano ang kakayahan at kagamitan ng mga pulis na tumugon sa krisis.
Nagkulang din ang pulisya sa crowd control at 'di sumunod sa alituntunin ng media relations.
Sinabi ni Sr. Supt. Sindac na sumailalim ng ibayong pagsasanay ang mga hostage negotiators at mga anti-terrorist groups ng pulisya. Isinaayos din nila ang mga pamamaraan ng pagtugon sa hostage-taking situations.
Ipinaliwanag niya na binigyang-diin ni Interior and Local Government Secretary Manuel Araneta Roxas na nararapat tugunan ang mga pangangailangan sa kakayahan at sa kagamitan. Naisaayos na rin ang pamamaraan ng crowd control at media relations.
Malaki na ang ipinagbago mula noong 2010, dagdag pa ni Sr. Supt. Sindac. Nagkaroon ng malawakang pagsasanay sa media relations at pinalawak ang mga gawain ng media relations office upang makatugon sa anumang magaganap sa hinaharap.
Pinag-balikaralan na ang Crisis Management Organization at pinamumunuan na ang Crisis Committee ng deputy chief for administration ng pambansang pulisya.
Sa mga hostage-taking incidents, ang unang tumutugon ay ang pulisya sa lungsod o bayan at magkasama ang pulis at ang punongbayan o punong lungsod. Kung lubhang malaki na ang situwasyon, maaaring panglalawigan na ang mangasiwa at sa oras na magkaroon ng malawakang epekto ay ang Department of Interior and Local Government at National Headquarters ng Philippine National Police, dagdag pa ni Sr. Supt. Sindac.
Sa inaasahang kakaibang reaksyon, mag-iiba ang pananaw ng mga taga-Hong Kong sa Pilipinas sa likod ng balitang nagpadala ng kanyang kinatawan si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Taiwan noong ika-walo ng Agosto upang humingi ng paumanhin sa pamilya ng mangingisdang Taiwanes na napaslang ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Walang anumang tugon ang mga tagapagsalita ni Pangulong Aquino at ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas kung magkakaroon ng paghingi ng paumanhin si Pangulong Aquino sa mga biktima ng Manila Hostage Crisis noong 2010.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |