|
||||||||
|
||
Karanasan ng mga mamamayan ang nagligtas sa kanila sa baha at bagyo
KARANASAN ANG NAGTURO SA MGA MAMAMAYAN. Dahilan sa nakalipas na mga bagyo, natuto na ang mga Pilipinong tumugon sa emerhensya tulad ng paglilikas. Ito ang paniniwala ni Major Reynaldo B. Balido, Jr., tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. (Melo Acuna)
IBAYONG INGAT KAILANGAN TUWING BUMABAHA. Ito ang panawagan ni Jose Zaldarriaga, tagapagsalita ng Manila Electric Company sa isang panayam tungkol sa epekto ng baha sa mga mamamayan. Unti-unti nang nakakabalik ang serbisyo sa katimugang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan. (Melo Acuna)
ANG sariling karanasan ng mga mamamayan ang siyang nagsilbing babala sa kanila kung kalian lilikas mula sa kanilang mga kinalalagyan. Ito ang pananaw ni Major Reynaldo B. Balido, Jr., tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ng Office of Civil Defense sa Campo Aguinaldo.
Sa isang panayam sa kanyang tanggapan, sinabi ni Major Balido na malaki ang ibinaba ng casualties ngayong taon kung ihahambing sa nakalipas na habagat noong 2012.
"Noon ay nagkaroon ng 70-80 ang nasawi at ngayo'y 17 na pawang maituturing na isolated incidents," sabi pa ni Major Balido. Nakaligtas na ang 13 mga Hapones na nagtungo sa Sagada subalit mayroong isang nagalusan. Nawawala pa ang isang Pilipino na kasama ng mga turista.
Mayroong kasalukuyang palatuntunan ang iba't ibang ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa danger zones.
Kahit pa ganoon kalawak ang pagbaha, nakatugon ang pamahalaan sa paglilikas ng mga mamamayan. Nasa tamang panahon ang mga pahayag ng PAGASA at higit na malaking bagay ang naging karanasan ng mga mamamayan.
Inihalimbawa niya ang Lungsod ng Marikina na walang casualties na naitala sa mga pag-ulan at pagbaha.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council, 16 ang nasawi, lima ang nawawala at 41 ang sugatan. Umabot na sa 267,551 pamilya o 1,256,508 katao ang apektado mula sa 1,181 na barangay mula sa 112 bayan at 31 lungsod sa Regions I, III, IV-A, Cordillera Autonomous Region at National Capital Region.
Mayroon pang 590 evacuation centers. May 72 mga lansangan ang hindi madaanan dahilan sa baha. Dalawang tulay sa Mountain Province at Tarlac ang hindi madaanan samantalang nagkaroon ng anin na power interruptions sa Cavite, Rizal at Occidental Mindoro.
Nanawagan ang tagapagsalita ng Manila Electric Company si Jose Zaldarriaga, sa electric power consumers na maging maingat sa oras na bumaha sa kanilang mga tahanan.
Sa panayam, sinabi ni G. Zaldarriaga na ligtas ang pamilya sa oras na isara ang main switch sa oras na tumaas ang tubig at malapit marating ang outlets. Sa oras na higit pang tumaas ang tubig, ay mismong Meralco na ang magpapatay ng kuryente upang makalitas ang mga mamamayan.
Nakakabalik na rin ang kuryente sa mga lugar na unang binaha, dagdag pa ni G. Zaldarriaga.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |