Pinagtibay kahapon ng Pangkalahatang Asemblea ng UN ang isang resolusyon na humiling sa Estados Unidos (E.U.) na alisin ang blokeyo sa kabuhayan, kalakalal at pinansya ng Cuba noong nagdaang kalahating siglo. Bumoto ang lahat ng 193 miyembro ng Pangkalahatang Assemblea ng UN. 188 bansa ang kumatig, samantalang ang E.U. at Israel naman ay tumutol.
Sa pulong nang araw ring iyon, binigyan-diin ni Wang Min, Pangalawang Kinatawang Tsino sa UN, na ang blokeyo ng E.U. sa Cuba ay malubhang paglabag sa "Karta ng UN." Hindi lamang nakakapinsala ito sa kabuhayan ng Cuba at nagdudulot ng kalungkutan sa mga mamamayang Kubano, kundi nakakaapekto pa sa normal na pagpapalitang pangkabuhayan, pang-komersyo at pangpananalapi sa pagitan ng Cuba at ibang bansa. Nanawagan aniya ang Tsina sa E.U. na itigil ang blokeyo sa Cuba sa lalong madaling panahon para mapasulong ang katatagan at kaunlaran ng Latin Amerika at rehiyon ng Caribbean.
Salin: Andrea