Pagdating sa kalutasan ng mga alitang panghanggahan at pandagat ng Tsina at mga kapitbansa, laging naninindigan ang Tsina na bago lutasin ang mga alitan, kailangan munang lumikha ang mga may direktang kinalamang panig ng matatag at may harmonyang kapaligiran sa pamamamagitan ng magkasamang paggagalugad at pagtatamo ng komong interes para pinal na lutasin ang mga pagkakaiba.
Ipinahayag ang nasabing paninindigan ni Ouyang Yujing, Direktor sa mga Isyung Panghanggahan at Pandagat ng Ministring Panlabas ng Tsina sa isang seminar kahapon hinggil sa patakarang panlabas ng Tsina, sa taong ito. Lumahok sa seminar ang mga puno ng Ministring Panlabas at mga karaniwang mamamayang Tsino.
Nilinaw rin ng opisyal Tsino ang tatlong prinsipyo ng Tsina sa paglutas sa mga alitang panghanggahan at pandagat. Una, lutasin ang isyu ng pagtatakda ng hanggahan sa pamamagitan ng talastasan ng mga may direktang kinalamang panig. Ikalawa, bago nila mapagkasunduan ang hanggahan, kailangang tumpak na pangasiwaan at kontrolin ang mga alitan. Ikatlo, pahupain ang mga alitan sa pamamagitan ng pagtutulungan at magkasamang paggagalugad para makalikha ng magandang kondisyon para sa pinal na paglutas sa mga alitan.
Idinagdag niyang ang talastasang panghanggahan at pandagat ay nagpapakita ng hangarin at determinasyong pulitikal ng mga pamahalaan ng mga may kinalamang bansa at sa pamamagitan nito, matatamo ang kasiya-siya at pangmatagalang resulta. Umasa aniya ang Tsina na manatili, kasama ang mga may kinalamang kapitbansa, ang tiwala, pasensiya at tiyaga para pinal na malutas ang mga alitan sa pamamagitan ng talastasan.
Salin: Jade