|
||||||||
|
||
Inulit kahapon ni Hong Lei, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang paninindigan ng Pamahalaang Tsino ang hindi pagtanggap at hindi paglahok sa arbitrasyon hinggil sa isyu ng South China Sea (SCS) na inihain ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration na nakabase sa Hague.
Ipinahayag ito ng tagapagsalitang Tsino bilang tugon sa tanong kung maghaharap ba ang Tsina ng counterargument sa kahilingan ng nasabing hukuman kaugnay ng arbitrasyon.
Ipinagdiinan ni Hong na naninindigan ang Pamahalaang Tsino na ang nukleo ng alitan ng Tsina at Pilipinas hinggil sa isyu ng SCS ay may kinalaman sa soberanya sa ilang isla at reef sa Nansha Islands at sa overlapping claims ng hurisdiksyon sa katubigan ng South China Sea.
Aniya pa, ang alitan sa soberanyang panteritoryo ay hindi malulutas batay sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Bukod dito, noong 2006, nagpalabas ang Tsina ng isang may kinalamang pahayag batay sa UNCLOS. Ayon sa pahayag, ang ganitong alitan hinggil sa hanggahang pandagat at karapatang pangkasaysayan ay hindi sakop ng UNCLOS compulsory dispute settlement mechanism.
Palagiang naninindigan ang Tsina na ang alitan hinggil sa isyu ng SCS ay kailangang lutasin sa pamamagitan ng konsultasyon at negosasyon sa pagitan ng mga may direktang kinalamang bansa. Mababasa ito sa mga kasunduan na narating ng Tsina at Pilipinas at sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) na nilagdaan ng Tsina at mga bansang ASEAN na kinabibilangan ng Pilipinas.
Ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na nananatiling bukas ang pinto ng Tsina sa pakikipag-usap sa Pilipinas hinggil sa isyu ng SCS. Hinimok aniya ng Pamahalaang Tsino ang Pamahalaang Pilipino na sumunod sa pangako nito sa mga narating na kasunduan ng dalawang bansa at bumalik sa bilateral na pagsasanggunian.
Noong ika-22 ng Enero, ipinaalam ng Pamahalaang Pilipino sa Pamahalaang Tsino na isusumite nito ang alitan sa SCS sa UNCLOS compulsory dispute settlement mechanism.
Noong ika-30 ng Marso, pormal na isinumite ng Pamahalaang Pilipino ang arbitrasyon sa nasabing Hukuman.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |