Maynila, Pilipinas—ipinahayag dito kamakalawa ni Diwa Guinigundo, Pangalawang Gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang internasyonalisasyon ng reminbi (RMB) ay kapaki-pakinabang sa pandaigdig na pamilihang pinansyal. Makakatulong din aniya ito sa pagpapasulong ng kalakalang pandaigdig at pagpapalago ng kabuhayang pandaigdig.
Winika ito ni Guinigundo sa Porum sa mga Oportunidad ng RMB sa Pilipinas na binuksan kamakalawa.
Ipinahayag din niya ang pagtanggap ng BSP sa tunguhin ng internasyonalisasyon ng RMB. Dahil dito, ang RMB ay nailakip bilang isa sa 18 mapapalitang salapi ng BSP noong 2006. Bukod dito, ang Sangay sa Maynila ng Bank of China ay nakipaglagdaan na rin sa kasunduan sa kooperasyong pang-RMB sa 14 na bangko ng Pilipinas.
Noong Oktubre ng nagdaang taon, ang Philippine Dealing System Holdings Corp. (PDS) at Sangay sa Maynila ng Bank of China ay magkasamang naglunsad ng Domestic Renminbi Transfer Service sa Pilipinas. Salamat dito, ang RMB ay nagiging ikalawang salaping dayuhan, kasunod ng US dollars sa real-time domestic clearing at ang unang salapi sa real-time cross-border clearing sa Pilipinas.
Salin: Jade