Sa Parliamento ng Australia—Bumigkas dito ngayong araw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng talumpating pinamagatang "Magkasamang Hanapin ang Pangarap ng Pag-unlad ng Tsina at Australia, Isakatuparan ang Kasaganaan at Katatagan ng Rehiyon." Inilahad niya ang landas ng mapayapang pag-unlad at patakaran sa Asya-Pasipiko ng Tsina. Binigyang-diin niyang dapat magkasamang likhain ng Tsina at Australia ang mas magandang kinabukasan ng komprehensibo't estratehikong partnership ng dalawang bansa, at likhain ang bagong kabanata ng kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyong Asya-Pasipiko.
Kaugnay ng pag-unlad ng Tsina sa hinaharap, tinukoy ni Xi na: una, iginigiit ng Tsina ang mapayapang pag-unlad, at di-magbabago ang determinasyon; ika-2, iginigiit ng Tsina ang komong pag-unlad, at di-magbabago ang ideya; at ika-3, iginigiit ng Tsina ang pagpapasulong sa kooperasyon at kaunlaran ng Asya-Pasipiko, at di-magbabago ang patakaran.
Binigyang-diin niyang sa panahon ng kasalukuyang pagdalaw sa Australia, ipinasiya ng kapuwa panig na pataasin ang relasyong Sino-Australian sa komprehensibo't estratehikong partnership, at ipinatalastas nilang bigyan ng substansiyal na wakas ang talastasan ng dalawang bansa hinggil sa kasunduan sa malayang kalakalan.
Salin: Vera