SA pagdalaw ni Pope Francis sa Malacanang sa ika-16 ng Enero, walang anumang pag-uusap hinggil sa politika. Sa press briefing kanina, sinabi ni Fr. Lito Jopson, maaaring tumagal ang pagkikita nina Pangulong Aquino at Pope Francis higit sa isang oras at kalahati.
Bagaman, sinabi ni Secretary Herminio Coloma, Jr. na posibleng pag-usapan ng dalawang pinuno ang tinaguriang "state matters." May oportunidad silang mag-usap hinggil sa mga isyung malalapit sa kanilang puso kahit pa malayo ang mga paksang ito sa politika.
PUNO ANG MEDIA CENTER NG MGA MAMAMAHAYAG. Patuloy na nagtatanong ang mga mamamahayag sa magiging paksa ng pag-uusap nina Pangulong Aquino at Pope Francis sa darating na Enero 16. Mga paksang malalapit sa kani-kanilang puso ang pag-uusapan, dagdag pa ni Secretary Sonny Coloma, Jr. (Melo M. Acuna)
Tampok din sa pagdalaw ni Pope Francis ang pag-awit ng mga pambansang awit ng Pilipinas at Vatican City. Magbibigay ng kani-kanilang pahayag ang dalawang pinuno sa kanilang pagharap sa mga mamamahayag at mga opisyal ng kani-kanilang pamahalaan.
Pagkatapos ng pagdalaw sa Malacanang, magtutungo si Pope Francis sa Manila Cathedral upang magmisa kasama ang mga obispo at pari ng buong kapuluan.