Sa kanyang pakikipagtagpo kamakailan sa Guangxi, Tsina, sa delegasyon ng Asosasyon ng mga Samahang Pangkaibigan ng Biyetnam, ipinahayag ni Qi Jianguo, Pangalawang Puno ng Samahang Tsino sa Pagkakaibigan ng Tsina at Biyetnam, na ang cross-border economic cooperation zone na itatayo ng Tsina at Biyetnam ay magiging isa sa mga batayan ng malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Sa pagdalaw noong isang buwan sa Tsina ni Pangkalahatang Kalihim Nguyen Phu Trong ng Partido Komunista ng Biyetnam, narating ng mga lider na Tsino at Biyetnames ang komong palgay na itakda sa lalong madaling panahon ang pangkalahatang plano hinggil sa pagtatayo ng cross-border economic cooperation zone.
Kaugnay nito, ipinalalagay ni Qi na ito ay nagpakita ng kahandaan ng kapwa bansa na pabilisin ang mga may-kinalamang gawain. Sinabi rin niyang ang sonang ito ay magbabago ng estrukturang pangkalakalan ng Tsina at Biyetnam, at magdudulot ng mahalagang epekto sa pag-unlad ng kabuhayan ng kapwa bansa.
Salin: Liu Kai