Ipinahayag kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang solemnang representasyon sa pagmamanman ng bapor na pandigma ng Amerika sa teritoryo ng Tsina sa South China Sea (SCS).
Ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na ang malapitang pagmamanman ng bapor na panagupa ng Amerika sa mga isla at batuhang ari ng Tsina ay posibleng makalikha ng maling pagtaya at di-inaasahang insidente. Aniya pa, tutol na tutol ang Tsina sa nasabing mga aksyon ng Amerika.
Winika ito ni Hua sa regular na preskon bilang tugon sa naiulat na pananalita ni Daniel Russel, Asistenteng Kalihim ng Estado ng Amerika at iba pang mga opisyal na Ameriko. Anila, ang makatwirang paglutas sa alitan at kalayaan ng nabigasyon sa SCS ay hinahamon dahil sa mga aktibidad na ginagawa ng Tsina sa karagatang ito.
Binigyang-diin ng tagapagsalitang Tsino na sa mahabang kasaysayan, walang problema hinggil sa kalayaan ng paglalayag at paglilipad sa SCS, mga karapatang ibinibigay sa lahat ng mga bansa batay sa mga pandaigdig na batas. Aniya pa, wala ring problema hinggil dito sa hinaharap.
Inulit din ng tagapagsalitang Tsino ang determinasyon ng Tsina sa pangangalaga sa pambansang soberanya at kabuuan ng teritoryo.
Salin: Jade